Mabuhay Philippines!: Isang Muling Pagbasa sa Entablado ng Manila Carnival
August 14, 2009 by mic-camba
(initial study)
O, kitain mo ako sa Maynila
Sa tabi ng mapangaraping baybayin!
Kitain mo ako sa Karnabal,
Maynila, Estados Unidos.
Doon, ika’y makakikita ng buko,
ng mangga at ng kawayan —
At doon sa Malecon,
Hihintayin kita’t panonoorin!
(aking salin, mula sa isang postcard noong 1908)[1]
Ika-27 ng Pebrero 1908 sa Wallace Field sa Luneta, binuksan ang telon ng pinakaunang Manila Carnival. Napapaderan ng sawaling gawa sa Pampanga, at pinapalamutian ng samut-saring ilaw at banderitas, mas pamamanghain ng mga punong-abala ang mga manonood sa iba’t ibang uri ng palabas mula sa mga musikero, sirkero, mahikero at daredevils / stuntmen, ng mga naglalakihang mga karosang ipinaparada na kinatatampukan ng mga kagawaran ng pamahalaang Amerikano at mga pribadong kumpanya, at mga puwesto at kubolng produktong Pilipino na nagtatampok ng mga hilaw na materyales at maging ng handicrafts. Magtatapos ang palabas sa kasukdulan ng buong selebrasyon, ang pagkorona at pagtanghal sa Manila Carnival Queen. Sa loob ng labimpitong taon, inaliw ng carnival ang mga Manileño, mga kalapit na bayan at probinsya, maging ang mga dayuhan. Taong 1939, ang telon ng Manila Carnival ay isinara.
Bilang bahagi ng kolonyal na programa ng Pamahalaang Amerikano, nais pag-aralan ng pananaliksik na ito ang papel na ginagampanan ng Manila Carnival, bilang ideyolohikal na aparato ng estado, sa pagpapatupad ng mga patakarang pang-ekonomiya, edukasyon at kalusugan ng pamahalaan. Nais panoorin ang Manila Carnival bilang isang pagtatanghal sa kapangyarihan at kalakasan ng Pamahalaang Amerikano, ang direktor at mandudula ng buong produksyon, na may kakayahang lumikha ng takot at dahas, gayundi’y bumuo ng ilusyon ng ideyal, maganda at marangyang buhay. Sa kabilang banda, dahil hindi naman itinuturing ang mga manunuod bilang mga pasibong taga-obserba, nais ding tunghayan ng pananaliksik na ito ang samut-saring kontradiksyon, pakikipagtunggali (tuwiran man o hindi) na kanilang ginawa upang hamunin at kuwentiyunin ang kumpas ng gahum ng kolonyal at patriyarkal na pamahalaan.
Sakop ng pananaliksik ang buong labimpitong taon ng pagtatanghal ng Manila Carnival mula 1908 hanggang 1939; taong 1910, 1911, 1919 at 1928 nang pansamantalang isinara ito. Muling babalikan ang mga naratibo at larawan na muling nagsasalaysay at nagsasabuhay ng kislap at ningning ng buong produksyon. Bubusisiin ang mga paghahandang ginawa sa iba’t ibang tema ng produksyon bawat taon, mula sa mga parada, karosa, kasuotan, at iba pa.
Muling babasahin ang engrade at magarbong pagtatanghal na ito sa pamamagitan ng lente nina Homi Bhabha at Gayatri Spivak na umiikot sa diskurso ng masalimuot na ugnayan kasarian, uri at lahi. Gamit bilang tuntungan ang pinagsama-samang post-kolonyalismo, feminismo, dekonstruksyon at marxismo sa pagbasa sa Manila Carnival.
Sa paghahanap ng mga kaugnay na literatura, iilan lamang ang mga sulatin o babasahin ang tumatalakay sa Manila Carnival. Madalas ay naglalaman ang mga ito ng iilang larawan ng karosa sa parada, infrastraktura o mga naitanghal na Manila Carnival Queen. Halimbawa na lamang ay ang aklat ni Eric V. Cruz na The Terno: Its Development and Identity as the Filipino Women’s National Costume, na nagpapakita ng ilang litrato ng mga nanalong Manila Carnival Queen katulad nina Pacita delos Reyes (1929) at Blanquita Opinion (1st Runner Up – Ms. Visayas, 1933). Sa kabilang banda, inilarawan naman sa isang talata sa bahagi ng introduksyon ang naging kasuotan ng pinakaunang reyna ng karnabal, si Pura Villanueva.
Nariyan din ang aklat ni Jose “Pitoy” Moreno ang Philippine Costume, na naglalaman rin ng isang souvenir photo ng 1935 na Manila Carnival, parada ng mga ng mga dalaga at binata noong 1935 na carnival, at mga itinanghal na reyna katulad nina Pura Villanueva (1908) at anak nitong si Maria Kalaw (1931). Kasama rin rito ang opisyal na litrato nina Carmen Prieto (1921), Virginia Llamas (1922), Trinidad Fernandez (1924), Anita Noble (Miss Philippines, 1926), Pacita delos Reyes (1929), Clarita Tan Kiang (1934), at Conchita Sunico kasama ang kanyang konsorte (1935); kasama rin sa koleksyon ng mga larawan ang naging mga runner-up ng patimpalak at kanilang mga konsorte. Bahagi rin ng coffeetable book na ito ang pagbanggit sa ilang naging tema ng coronation ball, katulad ng Ehipto, Turko, at Ruso.
Samantala, inisa-isa naman ni Doris Nuyda at Pablo Reyes sa kanilang libro na The Beauty Book ang mga nagsipagwaging reyna ng patimpalak. Idagdag pa rito ang paglalagay ng mga opisyal nilang mga larawan at maging ang ilang mga impormasyon ukol sa kanilang naging buhay, bago, habang at matapos makoronahan. Nagsisilbing chronicle ang mga babasahing ito sa kuwentong-buhay ng mga reyna. Mababasa at makikita ang buhay at larawanan nina Pura Villanueva (1908), Julia Agcaoli (1909), Paz Marquez (1912), Julia Arceo (1913), Dolores Perez Rubio (1914), Concepcion Medina (1915), Manolita Barretto (1916), Mela Fairchild (1917), Enriqueta Aldanese (1918), Trinidad de Leon (1920), Carmen Prieto (1921), Virginia Llamas (1922), Catalina Apacible (1923), Trinidad Fernandez (1924), Carmen Papa (1925), Socorro Henson (1926), Anita Noble (Miss Philippines, 1926), Luisa Marasigan (1927), Pacita de los Reyes (1929), Consuelo Acuna (1930), Maria Kalaw (1931), Emma Zamora (1932), Engracia Laconico (1933), Clarita Tan Kiang (1934), Conchita Sunico (1935), Mercedes Montilla (1936), Chita Zaldarriaga (1937), Guia Balmori (1938), Illuminada Tuason (1939).
Sa kabuuan, pinahihintulutan tayo ng mga larawang ito na sumilip sa mga magarbong kasuotan ng mga Filipina noong panahong iyon, partikular yaong terno, ang panuelo, serpentina, calado, butterfly sleeves, ang iba’t ibang hugis at disenyo ng korona at alahas, ang naglalakihang mga ostrich na pamaypay na kanilang hawak at iba pa; idagdag pa rito ang imahen ng kalalakihang eskorte noon na naka-Amerikana. Sa mga temang nabanggit, binibigyan tayo ng patikim sa laki ng buong produksyon. Makatutulong din ng malaki ang pagtatala ng mga nagsipagwagi, ang kanilang naging buhay at iba pang kaanak upang hindi lamang makilalang mabuti ang mga tinaguriang reyna bagkus maaaring maging dagdag na sanggunian.
Sa kabilang banda, nagtataglay naman ng isang black and white na litrato, na kuha sa malayo, ang mailaw na pagdiriwang ng Manila Carnival ang aklat ni Thomas Carter na pinamagatang Land of the Morning: A Pictorial History of the American Regime.
Isang mayamang balon naman ng larawan at naratibo ang blogsite na ginawa ni Alex Castro, ang www.manilacarnivals.blogspot.com, sa mga naganap noong panahong iyon. Naglalaman ang site ng hindi lamang mga litrato ng mga nagsipagwaging reyna, runner-ups at ang kanilang mga konsorte, bagkus maging ng kasaysayan (kasama pati ang mga tsismis) at deskripyon ng buong selebrasyon. Sa kabilang banda, bukod sa kawalan ng tamang citation sa blogsite, nananatiling naratibo at deskriptibo ang mga nakasulat na sususugan ng mga larawan.
Isinalaysay naman ni Carl Crow sa America and the Philippines, ang kanyang narinig at nasaksihan sa 1913 na Manila Carnival Trade Exhibit. Kaugnay nito ang pagsalaysay niya sa ugnayan ng mga vocational na paaralan sa mga trade exhibit booths sa nasabing canival. Sa pamamagitan ng bahaging iyon ng kabanata, tinalakay niya ang ugnayan sistema ng edukasyon, ang mga kasanayan na hinuhulma nito, sa mga programang pangkomersyo ng Pamahalaang Amerikano.
Kaugnay nito, nagbigay ng maikling naratibo ang sanaysay ni McRonald Banderlipe na pinamagatang “The Philippines and Beauty Pageants” na nasa Mabuhay to Beauty! Profiles of Beauties and Essays on Pageants, na pinamatnugutan ni Jose Wendell Capili at iba pa, ukol sa proseso ng pagpili ng mga mananalong reyna. Nagsalaysay at naglarawan din ito nang pahapyaw sa buhay nina Pura Villanueva, Julia Agcaoili, Paz Marquez, Concepcion Medina, Trinidad de Leon, Virginia Llamas, Anita Noble, Luisa Marasigan, Pacita delos Reyes, Consuelo Acuna, Clarita Tan Kiang, Conchita Sunico, Illuminada Tuason. Sa kabilang banda, bagaman sa huling bahagi ng artikulo ni Banderpile, nagsisimula na itong magdiskurso, gamit ang feministang lente, sa buong ideya ng Beauty Pageants, subalit nananatili itong pahapyaw at nasa usapin lamang ng kasarian.
Sa kabuuan, sinisikap ng pananaliksik na ito na hindi masilaw sa kinang ng mga ilaw na bumabalot sa Manila Carnival, bagkus ay muling basahin ang buong tanghalang ito na hindi lamang iikot sa mga who-what-where-when, bagkus isang pagbasa na iniuugnay ang buong pagtatanghal bilang bahagi ng isang mas malaking produksyon ng Pamahalaang Amerikano; kaugnay rin nito ang pagtalakay sa mga subersyong ginagawa ng mga manunuod upang kuwestiyunin ang gahum na iyon. Isang pagbasa na nilalangkap ang aspekto hindi lamang ng lahi at / o uri sa lipunan bagkus maging ang aspekto ng kasarian bilang mga salik na nagtutulungan sa pagpapatupad ng gahum at pagtuligsa rito.
Sanggunian:
Banderlipe, McRonald. “The Philippines and Beauty Pageants,” nasa Mabuhay
to Beauty! Profiles of Beauties and Essays on Pageants. Jose Wendell
Capili etal, Eds. Quezon City: Milflores Publishing, 2006.
Barthes, Roland. Mythologies. Denmark: Vintage, 2000.
Carter, Thomas. Land of the Morning: A Pictorial History of the American
Regime. Part V, Volume 4. Maynila: Historical Conservation Society, 1990. p.
46.
Crow, Carl. America and the Philippines. New York: Doubleday, Page and
Co., 1914. Kabanata 4.
Cruz, Eric V. The Terno: Its Development and Identity as the Filipino
Women’s National Costume. Makati City: S.S.P., 1982.
Davis, Fred. Fashion, Culture and Identity. Chicago: University of Chicago
Press, 1994.
Moreno, Jose. Philippine Costume. Manila: J. Moreno Foundation, 1995.
Nuyda, Doris at Pablo Reyes. The Beauty Book. Manila: Mr. & Ms. Publishing
Co., 1980.
Ramos, Barge. Pinoy Dressing: Weaving Culture into Fashion. Pasig: Anvil,
2007.
Roces, Mina. “Gender, Nation and the Politics of Dress in Twentieth-Century
Philippines,” nasa Gender and History, Vol. 17, No. 2, August 2005, pp.
354-377.
http://manilacarnivals.blogspot.com
Mula sa www.manilacarnivals.blogspot.com
The Manila Carnivals, would indeed make a good study given the impact and effect on Philippine culture and colonial society. I put up the Manila Carnivals blogsite because its centennial came and went without anyone noticing it. Secondarily, I had amassed quite a number of Carnival photos and I didn’t know what to make of them until the blog idea crossed my mind. I deliberately did not cite my sources as my blog was not meant to be a scholarly dissertation, but more of an easy-read cultural page from a bygone era where one could read and see how we amused and entertained ourselves. But of course, we know the influence of the Carnivals extended beyond that. It was used by Americans to promote their own agenda for their little vassal state. But I do have that cache of reference materials ready should you need to see it. Also, I have started citing content contribution from descendants of past winners who e-mailed me with new and updated information. Good luck on your study and many thanks for your interest on my blog.
alex
thank you for ur blogspot… and thank you for commenting on my site… salamat talaga.
im really planning to talk to u one of these days to ask some questions
ohhh my! this is such a wonderful day…
salamat, salamat