A HUNGER FOR HISTORY: A STUDY OF MA-YI THEATER GROUP’S “PROJECT: BALANGIGA” (Isinulat ni Joi Barrios)
July 13, 2009 by mic-camba
Notes:
PAGPAPALIWANAG SA PAMAGAT:
HUNGER FOR HISTORY – Patungkol sa pagiging gutom o salat ng Fil-Am community, partikular ang mga estudyante sa kolehiyo, sa kasaysayan; sinasabing ang kasaysayan na kanilang nakukuha ukol sa Philippine-American relations ay madalas umiikot sa migration, assimilation at integration kaysa sa kasaysayan ng pakikibaka at imperyalismo Amerikano sa bansa.
Sa pamamagitan ng pagtatanghal, nagkakaroon ng bagong perspektibo sa kasaysayan ang mga Fil-Ams (o manonood) na noo’y tahimik o pinatatahimik ng gahum / hegemony ng sistemang pang-edukasyon ng Amerika.
MA-YI THEATER GROUP – Isang Fil-Am theater production na nakabase sa Amerika. Ang Ma-yi ang isa sa pinakaunang tawag sa isla sa Pilipinas batay na rin sa isang dokumentong Tsino
PROJECT: BALANGIGA – dulang isinulat ni Ralph Peña at Sung Rno na ibinatay sa Filipino-American War noong 1899-1902. Sa partikular ang Balangiga Massacre[1] noong Setyembre 1901.
Gumamit ang dula ng mala-documentary na pormat.[2] Ang Unang bahagi ay nagsisilbing pagbabalik-kasaysayan o kontekstwalisasyon ng mga pangyayari noong Fil-Am War. Ang Ikalawa at Ikatlo ay umiikot sa isang panel discussion (sa pagitan ng mamamayan ng Balangiga at Cheyenne) ukol sa mga kampana; dito naghaharap ang dalawang bayan na may magkasalungat at magkatunggaling kasaysayan. Dagdag pa, mayroong open forum sa dulo ng dula na bahagi mismo ng dula at hindi nagsisilbing talk-back lamang.
ASYERSYON NG PAPEL:
Lahat ay pulitikal. Inilalahad na ang isyu / usapin ukol sa objectivity ay mito. Kung saan ang isang panitikan (o anumang genre o larangan sa lipunan) ay hindi kailanman magiging neutral o ideological-free.
Pinoposisyon ng papel na ang mga artista, manunulat bilang tagahabi ng kasaysayan at aktibista; kung saan ang entablado at dula ay isang espasyo upang magkaroon ng anti-kolonyal at maka-ikatlong mundong diskurso, isang espasyo upang tunggaliin ang gahum at para magprotesta. Tinatalakay rin na sa gitna ng nananaig na gahum, maaaring magkaroon ng panggigiit, negosasyon, at / o kontra-gahum. Ganito rin ang inuudyok ng dula sa kanilang manonood: na komprontahin ang nagtutunggaling kasaysayan upang maintidihan ang nakaraan at kasalukuyan nilang karanasan.
1) PAKSA bilang pulitikal —
Nagtatanghal ang dula ng isang historikal / kontrobensyal na pangyayari. Sa proseso ng diskurso, lalabas kung aling datos ang gagamitin at ilang datos ang isasantabi. Sa dulang ito, kapansin-pansin ang re-presentation, bilang bahagi ng pagtuligsa, sa deskripsyon at ginawa ng mga Pilipino. Sa dula binigyang diin ang mga masasama at di-makataong ginawa ng mga Amerikanong sundalo. Kung saan, nagsisilbi itong isang counter-voice sa gahum ng kasaysayan ng Amerika.
Sa dula, (a) malinaw na ipinakita ang mito ng ‘benevolent assimilation’ ni McKinley noong 1889 bilang rasyunal sa pag-annex sa Pilipinas. (b) Ipinakita ang water-torture na eksena na ginagawa ng mga Amerikano imbis ang pagpugot ng ulo ng mga gerilya sa Amerikanong sundalo at matapos nito’y sinunog pa o ang magbubukas sa mga katawan ng bangkay upang lagyan ng kung anu-ano: arina, minatamis, kape at iba pa. (c) Nagbibigay ng mga counter-argument ang dula sa diumanoy di-mabuting ikinikilos ng Pinoy: ang sabi’y pinahahalagahan ng Pinoy ang bangkay, sagrado ag mga ito sa kanila kung kaya’t hindi ito magagawa.
Dagdag pa rito. para sa mga Amerikano, ang paggawa ng mga trenches o hukay ay senyales ng pagiging duwag subalit para sa mga gerilya, isa itong mahusay na patibong. Panlilinlang ang turing sa mga gerilyang humahalo sa ordinaryong mamamayan, taktikang pandigma ito para sa gerilya. Ang mga kampana ay simbolo ng pighati dahil sa mga pumanaw na kaanak para sa Amerika, isa naman itong pagnanakaw para sa mga taga-Balangiga.
Sa madaling salita, sa paghahabi pa lang ng kuwento, sa paggamit ng mga salita, makikita kung kanino pumapanig.
2) LOKASYON bilang pulitikal —
Itinananghal ang dula sa New York, ang sentro ng Broadway, sentro ng American dream (at imperialism); Ang isang Pinoy-production sa New York ay hindi makakailang isang political statement, isang radikal na kilos sa gitna ng pananaig ng maka-puting produksyon. Isang paraan upang igiit ang sarili upang mapakinggan. Sa kabilang banda, hindi rin makakaila na bagaman nanggigiit ito ng espasyo sa arena ng pagtatanghal sa New York, maituturing pa ring nasa periphery ito kumpara sa Broadway na sentro ng lahat ng pagtatanghal.
3) MANUNULAT bilang pulitikal —
Si Pena bilang manunulat na Fil-Am, isang immigrant at American-citizen na may makabayang oryentasyon ay nagne-negotiate ng kanyang espasyo sa mundo ng entablado sa Amerika.
Si Rno na isang Koreano ay nagne-negotiate rin ng kanyang espasyo sa isang Fil-Am at maka-puting entablado.
Kung tutuusin, kahit ang mismong desisyon nilang maging bahagi ng dulang ukol sa Balangiga, ay isang pulitikal na kilos. Sinasabi ngang kahit ang pananahimik ay isang pulitikal na aksyon na pumapanig sa status-quo.
4) AKTOR bilang pulitikal —
Una, maituturing na isang political-act ang pagkuha ng iba’t ibang lahi sa buong produskyon; isang pagtuligsa sa kumbensyon. Pangalawa, ang mga nagtatanghal ay hindi lamang artista bagkus ay bahagi rin ng pulitikal na debate at diskurso ukol sa kanilang itinatanghal. Sa dula mismo, isinasama sa talakayan ang pulitika ng nagsisipagganap; ang script na ginawa ng mga manunulat ay ibinatay sa usapan / dayalogo ng mga manunulat at actor ng dula.
5) IBA PANG ASPEKTO NG PRODUKSYON bilang pulitikal —
Hindi rin matatawaran ang ginawang paglalangkap ng panlasang Pinoy: eg Balagtasan, pagsisipi sa Kartilya ng Katipunan[3] at paggamit ng mga larawan / guhit bilang kontra-argumento sa pagiging ‘barbaro’ ng mga Pilipino. Gumamit rin ng mga tula[4] na may pulitikal na linya : katulad “Bayan Ko,” “Kung Tuyo na ang Luha Mo,[5]” at “Yankee Doodle.”
May pagbibigay-sentro o prebilehiyo rin sa paggamit ng Taglog bilang simbolo na nag-uunay sa mga Pinoy saanman sila sa mundo; sa proseso, isinasantabi o dinidisbentahe ang mga hindi nagsasalita nito (umiikot pa rin sa paglalagay sa sentro ng mga nasa tabi at pagsasantabi ng nasa sentro). Maging ang kantang “Bayan Ko” isang popular na awiting ginamit pa noong Panahon ng Amerikano, Panahon ng Diktaturya at maging sa mga protesta ng lansangan sa kasalukuyan, ay tiyak na nakakapag-uugnay sa mga Pilipino.
Kapansin-pansin rin ang di-tuwirang pagtutuligsa na ginanap sa pamamagitan ng katatawanan.
PAGWAWAKAS:
Sa pamamagitan ng dulang ito, mas madaming tanong ang nabubuo kaysa sa mga sagot; mga tanong na nag-uudyok sa mga manonood, sa lahat, na muling balikan at pag-aralan ang kaysaysayan. Kung kaya naman, kahit pisikal na malayo sa Pilipinas, hindi makakailang bahagi ang dulang ito sa anti-neo-colonial na diskurso sa bansa.
[1] Sinasabing inatake ng mga Pilipinong gerilya ang Company C ng 9th Infantry ng Amerika na noo’y nakaestasyon sa Balangiga, Samar. Itinuturing bilang isa sa pinakamalaking pagkatalo ng sa kasaysayan ng Amerika. Bilang pagganti, sinunog at pinatay ng mga Amerikano ang buong bayan. Dagdag pa, ang dalawang kampana ng simbahan ng Balangiga ay kanilang kinuha; ang isa’y nasa Cheyenne, Wyoming at ang isa’y nasa South Korea. Noong panahon ni Pangulong Ramos, muling uminit ang usapin ukol sa pagbawing muli sa mga kampana, kahit isa lang, upang maibalik sa tunay na nag-mamay-ari nito, ang simbahan ng Bangiga.
[2] Ang estilong documentary katulad ng alienation ay unang ginamit ni Bertolt Brecht; tinatawag rin itong epic theater. Gumamit din ang dula ng estilo ni Augusto Boal (ang newspaper theater na gumagamit ng cross reading, complimentary reading at historikal na datos at eksena).
[3] Pinapakita sa Kartilya na ang mga Pinoy ay hindi barbaro kagaya ng madalas na itanghal sa mga comicstrips sa Amerika (barbaro, kaya nga nangangailangan gawing sibilisado ng Amerika bilang bahagi ng kanilang Manifest Destiny at White Man’s Burden).
[4] Sinasabing kailangang muling balikan at pag-aralan ang mga kantang bayan bilang repository ng sentimientong makabayan (kung gayon ay naglalaman ng persepepsyon at ideyolohiya ng mga tao noon).
[5] Ang dalawang tulang unang ginamit ay mga pataghoy kumpara sa kundiman; nagsisilbi itong contrast sa naunang tono ng dula: pormal, walang emosyon, dahil umiikot sa datos. Bagaman, maaaring punahin ito bilang ‘appeal to emotion’)