ANG PAGTANGGAL NG SAPI: ISANG FEMINISTANG PAGBASA SA WIKA AT PANITIKANG TAGALOG
February 19, 2009 by mic-camba
Ang depinisyon ng babae, partikular sa loob ng isang patriyarkal na lipunan katulad ng Pilipinas, ay (madalas na) iniuugnay sa lalaki. Ang kanyang ka-ako-han ay nakabatay sa pagpapakahulugan sa lalaki: sa pamamagitan ng kanyang pagiging iba dito (at hindi ang kabaliktaran nito). Itinuturing bilang ekstensyon lamang, kinuha sa tadyang ni Adan. Sila ay sekundaryo, di-esensyal at insidental lamang. Sila ang madalas na itinuturing bilang pasibo at kimi, ang buwan, ang kalikasan, ang puso at ang emosyon. Sila ang 0 (zero) sa Boolean number[1]. Kung saan ang bilang na 1 (isa) ay katumbas ng kalalakihan. Ang 1 (kasama ang iba pang matutulis na konsepto) ang simbolo ng phallus, ang lalaki sa sikolohiya ni Freud. Sila ang “I”, ang “Ako”, ang “Sentro”, ang “Amo” sa pilosopiya ni Hegel. Sila ang binibigyang prebilehiyo, sila ang binibigyang halaga. Samantalang ang bilang na 0 (kasama ang iba pang mga konseptong iniuugnay sa butas), ang babae, ang “other”, ang “sila”, ang “nasa gilid”, ang “alipin.”
Sa pamamagitan ng paggamit ng mata ng isang malay na Filipinang feminista, tatawasin ang mga kasalukuyang pagpapakahulugan sa salitang babae (at iba pang anyo nito) sa wika at panitikang Tagalog na matagal nang sinapian ng Espiritu ng Ama (isa pa ang Espiritu ng Bana, Kuya, Tiyo, Lolo at iba pa). Bahagi rin nito ang mismong panggagamot upang makabalik sa sariling ka-Ako-han ang salitang babae.
MATA NG MALAY NA FILIPINANG FEMINISTA:
Ang Pantawas sa Kasalukuyang Kalagayan ng Salitang Babae sa Wika at Panitikang Tagalog
Sa ilalim ng pamamalakad ng mga pyudal na kongkistador sa Pilipinas, sinimulan na ang historikal na pagpapatalsik sa kababaihan. Sa proseso ng pagbabago ng moda ng produksyon at sistema ng pamamahala, tuluyang dumausdos ang mga prebilehiyong dating tinatamasa ng mga Filipina. Pilit na isinantabi ng mga “bagong panginoon” ang imahen ng babae bilang tagapagtago ng kayamanang-bayan at manggagamot ng kanyang komunidad. Bilang bahagi ng pagpapakilala ng bagong relihiyon, tinawag ang mga babaylan at catalonan na mga bruha, mangkukulam, mambabarang at iniugnay ang kanilang mga gawi at ritwal bilang gawa ng demonyo. Sinunog ang kanilang mga anito at lugar-sambahan. Ang (literal at simbolikal) na kagubatan at kweba ay napalitan na ng mga (nag)lalaki(hang) mga edipisyo — simbahan at torre — ang simbolikal na phallus.
Ang pagtawas bilang bilang x-ray (isama pa ang CT Scan at MRI) ng nakalumang panahon na nakatutulong sa pagtukoy sa sanhi o dahilan ng kasalukuyang kalagayan o posisyon ng isang tao ang magsisilbi ring paraan ng pagdalumat sa salitang ‘babae’ sa wika at panitikang Tagalog. Katulad ng pagbabasang ginagawa ng magtatawas sa mga patak ng kandilang nakalutang sa tubig o sa platong lata na pinahiran ng langis at pinadaanan sa dila ng kandila, babasahin ang salitang ‘babae’ batay sa depinisyon nito sa mga pangunahing diksyunaryong Filipino at eksistensya nito sa mundo ng panitikang Tagalog. Sa pamamagitan ng pagtawas, muling binabalikan ng papel na ito hindi lamang ang masalimuot na pagsusuri ng sakit na sumapi (at / o kasalukuyang estado) ng salitang ‘babae’, bagkus ay nabibigyan rin ng gamot (o paunti-unting solusyon kung hindi man tuluyang pantanggal) sa nakapagbigay ng sakit o nakasapi rito.
Kaugnay nito, mahalagang bigyang diin ang pagtawas bilang iba sa eksorsismo na bahagi ng kolonyal at patriyarkal na relihiyong Kristiyanismo. Kung babalikan ang mayamang kasaysayan ng bansa, ang mga babaylan, kadalasang ginagampanan ng kababaihan, ang nataasan hindi lamang sa pagtatago ng panitikang bayan bilang mga mang-aawit ng mga epiko ng komunidad, bagkus ay itinuturing din bilang mga shaman na nagsisilbing mala-doktor at tagapag-ugnay sa mga yumao noong sinaunang panahon. Sila yaong nagtago ng mga kaalamang may kaugnayan sa panggagamot gamit ang mga pinaghalu-halong halamang ugat at / o dahon. Iba sila sa mga eksorsista, na eksklusibo lamang para sa mga pari, sa mga lalaki, ng relihiyong Katoliko. Kung balikan ang mga pelikulang “The Exorcist” o “The Exorcism of Emily Rose,” literal at simbolikal na ipinakikita ang relasyon ng kapangyarihan sa pagitan ng kasarian. Kapansin-pansin na laging mga babae ang sinasapian (mga babaeng hindi diumano’y normal ang kilos at galaw dahil sa kanilang kakaibang kalakasan, katalinuhan at katabilan ng dila) at lagi silang ‘tinutulungan’ ng pari upang matanggal ang kung anumang espiritong gumagambala rito.
Sa kabuuan, sa pamamagitan ng papel na ito, binibigyang diin ang sinaunang paraan ng paggagamot ng mga babaylan / katalonan at maging ang muling pagbibigay kapangyarihan sa kanila na manggamot na kaiba sa eksorsismo ng Simbahan. Dagdag pa rito, ang pagbasang gagamitin ay ang mata ng malay na Filipinang Feminista. Ito ang magsisilbing pantawas upang makita ang ’sapi’ sa kasalukuyang sa wika at panitikan ng mga Tagalog.
Maraming mahahalagang konsepto ang nakapaloob sa paraan ng pagbasang ito na kailangang himay-himayin at talakayin. Una ay ang salitang malay na maaaring itumbas sa pagiging “mulat” o bukas ang mga mata. Kung saan, sa pamamagitan nito, mas nakikita at nagiging sensitibo ang mambabasa sa ilang mga detalye sa loob ng teksto. Sa partikular, napupuna at napagtutuunan ng pansin ang mga bagay-bagay na dati’y naisasantabi, mas nagiging kritikal, matanong at mapag-usuisa. Sa madaling salita, hindi basta-bastang tinatanggap na “natural” at “unibersal” ang iba’t iba at samu’t saring dibisyon at hirarkiya na nagaganap sa lipunan, bagkus isang pumapalag na mambabasa na naghihimay-himay sa mga konseptong nakapaloob sa teksto.
Filipina dahil sa babasahin ang wika at panitikan batay sa karanasan at posisyon ko sa lipunang aking ginagalawan na nakaaapekto sa paraan ng aking pagsusuri at pagbibigay-kahulugan ng mga tekstong aking binabasa (bagamat walang kinalaman ang biyolohikal na kayarian ng isang tao sa pagkakaroon ng Feministang pananaw). Dahil din hindi iisa o homogenous na grupo ang feminismo, ang konseptong Filipina sa paraan ng pagbasa ang magbibigay rito ng pekularidad. Binubukas nito ang isa sa marami pang posisyon at karanasan ng feminismo — ako bilang isang babaeng feminista na mula sa Ikatlong Mundo at may ideyolohiyang maka-Ikatlong Mundo (importante ring banggitin na hindi naman awtomatikong maka-Ikatlong Mundo ang kaisipan ng isang babaeng mula lamang sa Ikatlong Mundo).
Panghuli ay ang salitang Feminismo, na kumikilala sa pagkakaroon at pananaig ng double standards sa lipunan, kung saan ang posisyon ng mga babae sa loob ng sistemang ito ay desbentaha, bukod pa rito, nakikita ang pangangailangan upang baguhin ang ganitong kaisipan at pagpapahalaga.
Nangangahulugan na ang nananaig na gahum at kaayusan na pumapabor sa Batas ng Ama ay hindi pikit matang tinatanggap na lamang. Bagkus, sa loob rin nito mismo ay may umuusbong na isang kontra-hegemoniya, isang bagong paraan ng pagpapahalaga at pagbasa na naglalantad at (posibleng) magtanggal sa kasalukuyang patriyarkal na kaayusan.
ANG BABAE SA WIKA AT PANITIKANG FILIPINO: Ang Aktwal na Pagtawas sa Wika at Panitikang Tagalog
Magiging tuntungan ng pag-aaral sa Wika ang pagbabalik-aral sa popular o gamiting mga diksyunaryo sa bansa. Halimbawa na riyan ang “Diksyunaryong Pilipino (1973) ni Jose Villa Panganiban, diksyunaryong pansentenyal ng Komisyon ng Wikang Filipino (1998) na inedit ni Ponciano B. Pineda at “UP Diksyonaryong Filipino” ni Virgilio Almario. Samantala, magiging tuntungan naman ng pag-aaral sa Panitikan ang pagbabalik sa mga naunang pag-aaral, listahan at / o antolohiya at / o patimpalak gaya ng mga prestihiyosong Don Carlos Palanca Memorial Awards, Cultural Center of the Philippines Award, Pambansang Alagad ng Sining (sa Panitikan) at iba pa.
WIKA. Madalas na iniuugnay ang wika sa ina, sa mga babae. Subalit, kung susuriing mabuti, hindi na pagmamay-ari ng mga babae ang kasalukuyang wikang ginagamit at sinasalita nila.
Sa kasalukuyan, sa unang tingin, kung ikukumpara ang Tagalog sa Ingles at Español, hindi kaagad mahahalata ang “Kapangyarihan ng Ama” sa wika. Hindi kasi ito katulad ng Ingles na lagi na lamang ikinakabit ang babae sa lalaki: (wo)man, (fe)male. Sa Tagalog, kapansin-pansin na may sariling pagkakakilanlan ang salitang babae[2] na hiwalay sa lalaki. Sa Ingles, maging sa panghalip, nakakabit ang salitang babae sa lalaki: (s)he, sa ikatlong panauhan na pang-isahan sa Ingles. Sa wikang Tagalog, lahat sila ay: siya, panghalip na walang tinutukoy na ispesipikong kayarian ng tao. Bukod pa rito, may tendensiya ring yapusin at saklawin ng salitang man ang sangkatauhan (mankind) o bawat tao (person). Sa kabilang banda, sa Wikang Español, nakakabit hindi lamang sa ikatlong panauhan na pang-isahan ang salitang babae (ella) sa lalaki (el), bagkus maging sa ikatlong panauhan na pangmaramihan: ellas / ellos. Mahalaga ding banggitin na (halos) lahat ng mga salita sa wikang ito ay may espesipikong kayarian — maging ang mga bagay at konseptong wala namang buhay: (la) mesa, (la) educacion, (el) libro, (el) fuego at iba pa.
Ang ganitong katayuan ng ‘babae’ (yaong salita at maging ang tao na rin mismo) sa lipunang Fiipino ay hindi naman kataka-taka. Ayon na rin sa mga her-storya-dor, bago pa man dumating ang mga Español sa bansa, maraming prebilehiyo na ang tinatamasa ng kababaihan.[3] Sa katauhan ng mga babaylan at catalonan, makikita ang mahalagang papel na ginagampanan ng kababaihan.[4] Sila ang naatasang mag-alaga at magpreserba ng kultura, ang hahawak sa oral na tradisyon ng kanilang komunidad — sila ang kumakanta ng mga epiko, ang tinatawag sa panahon ng pagtatanim at pag-ani, kapag may bagong panganak o namamatay. Bukod pa rito, mga manggagamot at ispiritwal na pinuno rin sila ng kanilang lugar.[5]
Sinususugan maging ng mga popular na alamat ang sinaunang relasyon sa pagitan ng babae at lalaki katulad ng kuwentong “Si Malakas at si Maganda” na bagamat ang mga pang-uring ginamit sa pagpapangalan sa mga pangunahing tauhan ay isteryotipikal, sabay pa rin silang lumabas sa isang kawayan at hindi hinugot lamang sa tagiliran ng isa, ang isa. Bagamat alamat na ring itinuturing ang kuwento ni Prinsesa Urduja ng Pangasinan, hindi pa rin maitatanggi na maging sa imahinasyon ng mga sinaunang Pilipino, maaaring maging magaling na pinuno ang isang babae.[6] Sa pag-aaral naman ni Priscelina Patajo-Legasto sa mga epiko ng Pilipinas, nakita niya na: (1) walang diskriminasyon sa anak na babae o sa pagpabor sa magiging anak (maliban na lamang sa epikong “Labaw Donggon”), (2) walang diin o empasis sa pagiging birhen ng babae bago pa ito ikasal at (3) may kalayaan ding hiwalayan ng babae ang kanyang bana.[7]
Subalit matapos ang ilang daang taong pananakop, ng iba’t ibang mga bansa, sa iba’t ibang paraan, tiyak na naimpluwensiyahan ang ating kalinangan ng kolonyal at patriyarkal na pagpapahalaga.
Sa puntong ito, hihimay-himayin at ilalagay sa sentro ng diskusyon hindi lamang ang salitang Babae bagkus ang dalawa pang salitang na nakaugat sa salitang Babae: ang Pagkababae at Kababaihan.
Ang salitang babae, batay sa ibinigay na depinisyon ni Jose Villa Panganiban noong 1973, ay:
1. (pangngalan) mistress, kalaguyo, querida
2. (pang-uri) female, feminine
Babae ang nakaugaliang tawag ng isang “macho” sa mga karelasyon niyang pinagsasabay-sabay. Madalas din itong gawing pamantayan ng pagiging “tunay na lalaki.” Sa kabilang banda, hindi naman mababasa sa ilalim ng salitang ‘lalaki’ ang depinisyong may kinalaman sa pagiging number two (ng isang babae). Mahihinuha na ang konsepto ng pagkakaroon ng kalaguyo ay iniuugnay lamang sa kinakasama ng isang lalaking (may asawa) at hindi ng isang babae. Batay naman sa ikalawang depinisyon, ipinag-isa nito ang konsepto ng pagiging biyolohikal na babae (female) at mga gawain at galaw na iniaatas ng lipunan sa babae (feminine), na kung susuriin ay hindi magkasing kahulugan.
Sa puntong ito, mahalagang banggitin na magkaiba ang kayarian sa kasarian, (bagamat hindi maitatangging mahigpit itong magkaugnay). Ang kayarian (sex) ay tumutukoy sa biyolohiya, sa simplistikong depinisyon, nakabatay ito sa kanyang chromosomes (XX o XY) at hormones (progesterone at androgen o testosterone). Sa kabilang banda, ang kasarian (gender) naman ay tumutukoy sa klasipikasyong ginagawa ng lipunan upang eksaheradong pag-ibahin ang (biyolohikal na) babae at lalaki sa pamamagitan ng paglikha at pagtakda ng mga papel at posisyon na dapat gampanan ng isang babae at lalaki sa lipunang kanilang ginagalawan.2 Sa madaling salita, ang kasarian o gender ay isa lamang konstrak na nagdidikta sa pagiging lalaki o pagiging babae ng isang tao. Sinasabing pagkasilang na pagkasilang pa lamang ng sanggol sa mundong ito, tinuturuan at itinakda na ang kanyang mga dapat ikilos, pag-uugali at gawi (depende sa biyolohikal na kayarian) batay sa mga kostumbre ng lipunan, na magbibigay-prebilehiyo o maglilimita sa mga potensyal o maaaring maging kontribusyon niya sa lipunan. Samantala, sa tulong na rin ng iba pang mga represibo at ideyolohikal na aparato ng lipunan — mga institusyon tulad ng pamilya, edukasyon, simbahan, media at iba pa — mas madaling napatatagos ang ang ganitong kaugalian. Dagdag pa ni Elizabeth Eviota, “Sa bawat kultura at panahon, ang babae at lalaki ay kumikilos batay sa mga panuntunan ng lipunan na tinatawag na sistemang kayarian-kasarian. Sa pamamagitan ng sistemang ito, ng biyolohiya at kultura, nagiging babae ang babae at nagiging lalaki naman ang lalaki; nagdidikta ito ng ispesipikong mga gawain at papel ng babae at lalaki batay sa kasarian; tinatakda nito ang mga parametro ng sekswal at reproduktibong pagkilos; minamanduhan din nito ang panlipunang ugnayan ng mga tao (aking salin).”[8]
Nang inilabas naman ang diksyunaryong pansintenyal ng Komisyon ng Wikang Filipino (KWF) noong 1998 (na ibinatay sa talatinigan ng Linangan ng Wikang Pambansa (LWP) noong 1989), kapansin-pansin na hindi nalalayo ang ibinigay na depinisyon ng KWF sa depinisyon ni Panganiban sa salitang babae:
1. (pangngalan) kalaguyo, kerida, kinakasama
2. (pang-uri) taong ang kasarian ay ukol sa pagiging ina
Mababasa pa rin ang unang depinisyon; ang babae bilang “number 2” ng isang lalaking may asawa. Sa pagkakataong ito, batay sa ikalawang depinisyon, animo’y ipinaghiwalay na ang konsepto ng female at feminine. Subalit ito ay sa unang tingin lamang. Bagamat itinumbas ng KWF ang salitang babae sa pariralang “pagiging ina,” kung saan ang ina ay: yaong mga taong may kakayahang makapagluwal, malayung-malayo naman ito sa ibinigay na kahulugan sa salitang ama:
1. magulang na lalaki
2. ninunong nagtatag ng isang lahi o lipi
3. nagbibigay ng pagkakandiling-ama
(e.g. bilang tagapagtanggol o tagapanustos)
Mahihinuha na wala sa mga binanggit ang may kaugnayan sa biyolohiya, bagkus, iniuugnay ang konsepto ng ama sa kanyang mga itinayo, mga ipinaglaban at sinuportahan. Walang pagbanggit sa kanyang kakayahan halimbawa na magbigay ng esperma o makabuntis. Batay pa sa depinisyon, kapansin-pansin na kaakibat ng konseptong ama ang iba pang pananagutan na may kaugnayan sa pagpapalaki ng sanggol / bata. Nangangahulugan na ang salitang ama ay isang responsibilidad na itinakda o idinidikatang dapat gawin ng isang lalaki; nangangahulugan din na hindi na lamang simpleng biyolohiya o kapabilidad at kakayahang na manganak ang konsepto ng babae, bagkus may ikinakabit na ritong kilos at gawi.
Kaugnay nito, hindi maiaalis ang konsepto ng ‘mother’s instinct,’ ang kakanyahang taglay diumano ng bawat ina o nagsilang. Dahil instinct, itinuturing na innate o awtomatikong ginagawa. Ang implikasyon tuloy nito, ang mga inang nahihirapan sa pagtukoy sa kahulugan ng bawat pag-iyak ng sanggol (na nangangahulugan din na nahihirapan siyang tukuyin ang mga pangangailangan o nararapat gawin para sa bata) ay kinukuwestiyon ng “iba,” sa kanilang kakayahan na maging isang mabuti ina; madalas, sa proseso, kinukuwestiyon na rin ng ina ang kanyang pagiging ina.
Batay sa ating ginagawang diskurso, mas angkop ipanumbas sa salitang feminine,na nauna nang binanggit, ang salitang pagkababae sa Tagalog. Ayon mismo sa KWF, ang salitang pagkababae ay kalagayan ng pagiging babae, mga katangiang pambabae. Ayon pa sa KWF, nilalapian ito ng “pagka” sa unahan na “nagsasaad ng kabasalan, buod ng kakayahan o ng tanging kalikasan sa isang bagay o tao” at salitang-ugat na “babae.” Batay sa kahulugan na ibinigay ng diksyunaryo, nililimitahan nito ang kilos, galaw at kakayahan ng isang indibidwal dahil sa kanyang biyolohikal na kayarian. Pangalawa, kapansin-pansin ang pagkakabit ng konseptong ito sa mga babae lamang. Nangangahulugan na tanging mga biyolohikal na babae lamang ang (inaasahang) kumilos nito, na nagreresulta ng pagkakastigo sa mga indibidwal na lumalabag sa ganitong kaayusan, sa nakaugalian. Nariyan ang mga pisikal na pandarahas, pagkutya at pagtawag ng mga pangalan — tomboy, t-bird, dikya, malas sa negosyo at marami pang iba.
Subalit, ano nga ba ang mga katangiang para sa babae lamang? Lumalabas sa diskusyon na ang konseptong ito ay konstruksyon lamang ng lipunan. Ibig sabihin, idinidikta ng kultura at lipunan. Sinasabing pagkasilang na pagkasilang pa lamang ng isang sanggol sa mundong ito, tinuturuan at itinakda na ang kanyang mga dapat na ikilos, pag-uugali at gawi batay sa nakaugaliang kostumbre. Halimbawa, nilalampinan ang babaeng sanggol ng kulay rosas, pinapalaro ng mga manyika (bilang preparasyon sa kanyang pagiging ina balang araw) at pina-lalaki-ng mahinhin, kimi at tahimik.
Samakatuwid, hindi rin napaghihiwalay ng KWF ang konsepto ng kayarian at kasarian (sex at gender), bagkus ay tinitignan bilang halos magkasingkahulugan pa. Tinuturing na sa pamamagitan ng kayarian ng isang tao, partikular ng babae, natutukoy at nadedetermina na ang papel, kakayahan at potensyal sa kanyang lipunan. Sa tulong na rin ng mga ideyolohikal na aparato ng lipunan, mas napapatanggap na “natural” at “unibersal” ang ganitong kaayusan sa lipunan. Bagamat makikita at mararamdaman rin sa loob ng superistraktura ng lipunan ang pakikibaka at pagkikitunggali sa kaayusang ito.
Nang konsultahin ang ibinigay na depinisyon sa salitang kababaihan sa diksyunaryo ni Panganiban, bagamat lumalabas ang salitang ito, hindi naman niya ito binigyan ng katuturan. Sa kabilang banda, hindi naman mahahanap ang salitang ito sa diksyunaryo ng KWF.
Maganda tuloy tanungin kung bakit hindi napasama ang salitang kababaihan sa mga salitang dapat bigyan ng kahulugan? Hindi ba importante ang salitang ito kaya hindi nakasali? Wala ba talagang ganitong salita? Maraming kahulugan at mensaheng ipinaparating ang hindi pagbanggit ng mismong diksyunaryo na ginawa pa naman ng mga kinikilalang institusyon ng bansa. Kung tutuusin, isang kapangyarihan ang pagsusulat ng diksyunaryo dahil nagkakaroon ng prebilehiyo (ang editor) na mamili ng mga salitang mapapaloob at mapapasama sa koleksyon. Isa rin itong kapangyarihan dahil nagbibigay ito ng depinisyon, hugis, itsura ang mga salita (sa kasamaang palad din, sa proseso ng pagbibigay ng kahulugan sa isang bagay, nakapagbibigay rin ito ng limitasyon sa kahulugan).
Ayon kay Quindoza-Santiago, ang salitang kakabaihan ay tumutukoy sa “isang kilusan upang igiit ang kanilang mga karapatan sa mga istraktura ng kapangyarihan sa lipunan.”[9] Nangangahulugan na isa itong pulitikal na kilusan na may layuning ilantad ang hirarkiya, ang hindi pagkakapantay-pantay sa lipunan — partikular sa pagitan ng babae at lalaki — pati na rin ang pagbuwag sa sistemang ito. Batay dito, hindi kataka-taka kung hindi napasama ang isang mapagpalayang depinisyong ito sa mga diksyunaryong parehong pinamatnugutan ng lalaki, sina Jose Villa Panganiban at Ponciano Pineda.
Sa kabuuan, ang wika bilang produkto ng lipunan na naglalaman ng mga pagpapahalaga ng isang kultura, ay isa ring midyum upang ipalaganap ang mga kaisipang ito sa susunod na henerasyon at sa mga bagong dayo sa komunidad. Kung kaya naman, isa rin itong arena na dapat gamitin upang tunggaliin ang kasalukuyang androsentriko at patriyarkal na kaayusan. Bagamat may mga feminista, tulad ni Mary Daly na naniniwalang kailangang bumuo ng sariling wika at paraan ng pagpapahayag ang hanay ng kababaihan, na kailangang lumabas sa kasalukuyang patriyarkal na tipo ng wika na ginagamit,[10] mahalaga pa rin na pakinabangan ang kaalaman ng kababaihan sa patriyarkal na wika at gamitin ito para sa pagpapalaya ng kanyang sarili.
PANITIKAN. Batay sa UP Diksyunaryong Filipino (2001), ang salitang panitikan ay mula sa salitang titik na nilagyan ng unlaping pang at hulaping an. Narito pa ang ilan sa mga ibinigay na depinisyon ng UPDF:
1) Literatura (Español) o literature (Ingles)
2) Mga akda na kangi-tangi sa masining at malikhaing pagtatanghal ng mga ideya
3) Ang kabuuang lawas ng mga naisulat sa tiyak na wika, panahon ay iba pa
4) Ang propesyon ng manunulat at awtor
Kung susumahin ang mga nabanggit na depinisyon, hindi maikakailang iniuugnay ang panitikan sa pagkakaroon ng edukasyon — o yaong mga nakapag-aral. Ito ay sa kadahilanang ang propesyong ito ay nangangailangan ng karunungan sa pagsusulat at pagbabasa na makukuha, madalas, sa pormal na paaralan. Subalit, kung babalikan ang kasaysayan ng pormal na edukasyon sa bansa, matatanto na sa mahabang panahon ay naging eksklusibong panlalaki lamang ang akademya. Kung maaalala, pinuri sa pamamagitan ng isang liham ni Dr. Jose Rizal ang kababaihan ng Malolos (1888) dahil sa kanilang determinasyon na ipaglaban ang pantay na opurtunidad ng babae at lalaki sa paaralan. Gaya ng alam natin, noong panahong iyon, tanging mga pambahay na gawain lamang at katekismo ang itinuturo sa mga babae, samantalang ang mga lalaking ilustrado naman noo’y nakapagtatapos na ng mga degri sa medisina at abogasya.Napatid lang ang pagkauhaw na ito ng kababaihan sa pagkakaroon ng pormal na edukasyon noong nabuksan ang pinto ng akademya sa mga babae noong panahon ng pananakop ng mga Amerikano sa pamamagitan ng mga pampublikong paaralan.[11]
Kung tutuusin, hindi naman (talagang lantarang) pinagbabawalan ang pagpasok ng mga babae sa mundo ng pagsusulat, subalit hindi rin naman ito lubos na sinasang-ayunan. Sinasabi pa na ang labis-labis na “pagkahumaling” ng sinumang babae dito ay tiyak na may hinihintay na “kaparusahan” — ang pagiging hiwalay sa asawa (tulad ni Leona Florentino), pamumuhay ng mag-isa (tulad ni Magdalena Jalandoni)[12], at pagbatikos ng lipunan kung mapabayaan ang pamilya.
Batay na rin sa ikalawang depinisyon na ibinigay ng diksyunaryo, hindi maaaring ihiwalay sa produksyong pampapanitikan ang konsepto ng “literariness” — o ang masining at malikhaing pagtatanghal sa loob ng panitikan — upang maturing na “tunay na panitikan” ang isang akda. Subalit sino ba ang nagdedetermina ng kagandahan? Kaninong pamantayan ang ginagamit?
Batay sa isang pag-aaral na ginawa nina Lina Sagaral Reyes at Marjorie Evasco sa mga nagsipagwagi ng mga gantimpala at parangal sa mga patimpalak gaya ng Cultural Center of the Philippines Award at Don Carlos Palanca Memorial Awards (kasama ang pagsasaalang-alang sa mga naging hurado sa mga nasabing patimpalak), lumalabas na nananatiling monopolyo pa rin ng kalalakihan ang mga gawad pampanitikan.[13] Kung susumahin sa kasalukuyan ang mga nahirang nang Pambansang Alagad ng Sining, partikular sa larangan ng panitikan simula pa noong mabuo ito noong 1972, iisa pa lamang ang babae, si Edith Tiempo noong 1999; sampu naman sa labing-isang Alagad ng Sining ay lalaki.
Kung gayon, hindi rin nagkamali ang UPDF sa pagtumbas sa salitang panitikan sa literature ng Ingles. Ayon sa ibinigay na depinisyon ng Oxford English Dictionary (1933, renibisa noong 1972) sa salitang literature: “Literary work or production; the activity or profession of a man of letters…(aking diin).” Kapansin-pansing ang tinatawag na literature ay anumang likha ng isang lalaki. Nangangahulugan na ang babaeng manunulat ay walang lugar, walang depinisyon, sa mundo ng panitikan.[14]
Kung susumahin, mabibilang pa rin ang mga babaeng manunulat na napapasama sa mga antolohiya at koleksyon, na mayorya ay pinapatnugutan ng mga lalaki. Halimbawa, nang lumabas ang antolohiyang 50 Kuwentong Ginto ng 50 Batikang Kuwentista noong 1939, na pinamatnugutan ni Pedrito Reyes, tanging siyam (9) na babaeng manunulat lamang ang napasama dito. Kabilang rito sina: Rosario Aguinaldo, Andrea Arce, Carmen Batacan, Susana de Guzman, Nieves del Rosario, Carmen Herrera, Hilaria Labog, Jovita Martinez at Belen Santiago. Nang lumabas naman ang Ang 25 Pinakamabuting Kathang Pilipino noong 1944, na pinamatnugutan ni Teodoro Agoncillo, tanging sina Rosalia Aguinaldo, Hilaria Labog, Liwayway Arceo, Gloria Villaraza at Lucila Castro, limang (5) babaeng manunulat lamang, ang napasama sa koleksyong ito. Sinasabi pa na kaya lamang napapasama ang mga babaeng manunulat sa mga antolohiyang pinapatnugutan ng mga lalaki (lalo na noong panahong iyon) ay sa kadahilanang ang mga salita’t imahen na nakapaloob sa kanilang mga akda ay “hagod-lalaki”, kung saan mata at boses pa rin ng mga lalaki ang naglalarawan. Sabi pa ni Aling Bebang (Genoveva Edroza-Matute) na ang turing sa kanila ng mga kapwa lalaking manunulat ay “parang mga multo” o “mga lalaking gumagamit lamang ng mga pangalang babae.”[15] Batay naman sa karanasan ni Magdalena Jalandoni, sinasabing noong nagsisimula pa lamang siyang magsulat noong unang bahagi ng 1900, kinailangan niyang gumamit ng pseudonym dahil sa kinokonsiderang hindi pambabae ang gawing magsulat at malimbag noong mga panahong iyon.[16]
Nang inilabas naman ni Virgilio Almario ang Walong Dekada ng Makabagong Tulang Pilipino noong 1981, tanging si Elynia Ruth Mabanglo sa labing-apat na lalaking napasa sa koleksyon. Kapansin-pansin pa na tanging tatlong tula ni Mabanglo ang nagsilbing halimbawa ng kanyang mga tula[17] samantalang may mga lalaking makata sa seleksyon na mayroong sampu o higit pang mga halimbawa. Ilan rito sina Jose Corazon de Jesus, Benigno Ramos, Alejandro G. Abadilla, Amado V. Hernandez, Lamberto Antonio, at Federico Licsi Espino Jr. Nang inilabas naman ang Ang Aklat Likhaan ng Dula (1997-2003) noong 2006 na pinamatnugutan nina Rene Villanueva at Vim Nadera, tanging dula ni April Tong na pinamagatang “Nang Mawala ang Junior ni Junior” at adaptasyon ni Lisa Magtoto ng “Agnoia”[18] ang napasama sa koleksyon na binubuo ng labinlimang mandudula.
Kung babalikan naman ang isa sa pinakagamitin na antolohiya ukol sa Panitikan ng Pilipinas, ang “Philippine Literature: A History and Anthology (Revised Edition)” nina Bienvenido at Cynthia Lumbera na lumabas noong 1997, mabibilang pa rin sa daliri ang mga manunulat na babaeng napasama sa koleksyon. Halimbawa, sa kabanata ukol sa Panitikan sa Ilalim ng Pamahalaang Espanyol, tanging sina Leona Florentino at Gregoria de Jesus ang napasama sa labing-isang manunulat ng panahon. Sa kabanata naman ukol sa Panitikan sa Ilalim ng Pamahalaang Amerikano, sina Magdalena Jalandoni at Evangeline Guerrero ang napasama sa labing-anim na manunulat. Sa Panitikan sa Ilalim ng Republika na kabanata sina Genoveva Edroza Matute, Kerima Polotan Tuvera at Fanny Garcia ang napasama kumpara sa dalawampu’t dalawang lalaking bahagi rin ng panahon. Sina Joi Barrios, Marjorie Evasco, Elynia Ruth Mabanglo at Lilia Quindoza Santiago ang napasama sa Panitikan Matapos ng EDSA na kabanata; malayo pa rin ito sa siyam na lalaking bahagi ng kabanata.
Batay sa diskusyong ito, makikita ang kasalukuyang posisyon at predikament ng isang babaeng manunulat sa Pilipinas. Kung kaya, isa rin itong pinto na kailangang buksan, isa itong arena na kailangang tunggaliin, isiwalat, kuwestyunin at punahin ang nananaig na misohino at patriyarkal na pagpapahalaga.
ANG UNTI-UNTING PAGGAGAMOT
Sa kasalukuyan, unti-unti namang lumuluwag ang siwang ng pintong nakapinid para sa mga babaeng manunulat. May mga inisyatib na na ginawa ang ilang mga babaeng manunulat (sa kasalukuyan) na maglabas ng mga antolohiya ng mga akda ng kapwa Filipinang manunulat gaya ng Silid na Mahiwaga (1994) ni Soledad Reyes na kalipunan ng mga maiikling kuwento at tula sa Wikang Tagalog[19] at Sa Ngalan ng Ina (1997) ni Lilia Quindoza Santiago na kalipunan naman ng 100 tulang feminista mula 1889 hanggang 1989[20]. Hindi rin maisasantabi ang antolohiya ng dalawampung kuwentong buhay ng ilang piling Tagalog na manunulat na muling isinalaysay ni Rosario Torres Yu sa Sarilaysay (1997)[21]. Ganoon din sa larangan ng pagsulat ng diksyunaryo, mayroon nang inisyal na primer na isinulat si Thelma B. Kintanar upang maging gender-sensitive ang paggamit ng wika (partikular sa Ingles). Subalit, hindi dapat dito matapos ang lahat. Marami pa ring mga panitikan ng kababaihan ang naisasantabi, kinakalimutan at hindi nabibigyan ng sapat na pagkilala, pag-aaral at pagpapalimbag, lalung-lalo na yaong mga manunulat sa iba pang mga wika sa Pilipinas.
Ayon kay Elaine Showalter, madalas na napapabayaan o hindi nabibigyan ng sapat na pagkilala at pag-aaral ang maraming akda ng babaeng manunulat (partikular sa kanluran). Dagdag pa niya, kakaunti na nga lamang ang kanilang bilang, naisasantabi pa ang mga hindi gaanong sikat sa kanilang hanay. Dahil dito, nagkakaroon tuloy ng pagkaputol sa kasaysayan ng pagsusulat ng mga babaeng manunulat at maging ng buong tradisyon ng panitikan ng bansa.[22] Pinangalawahan naman ni Benilda Santos ang panimulang obserbasyong ito ni Showalter, partikular sa konteksto ng Pilipinas. Ayon sa kanya, nagkakaroon ng pagkaputol sa kasaysayan ng pagsusulat hindi lamang ng mga babaeng manunulat bagkus maging ng kabuuang tradisyon ng panitikan sa bansa. Dagdag pa niya, bagamat lumalakas na ang kilusang kababaihan na nagreresulta ng mas lumuwag na siwang sa pinto ng panitikan at palimbagan sa mga babaeng fiksyunista, nananatiling monopolyo pa rin ito ng kalalakihan at / o ng iilang mga babaeng nagsusulat sa Ingles.[23] Sa kabuuan, mahaba-habang tawasan pa rin ang kailangang gawin upang mabalik sa kamay ng mga babaylan, kababaihan, ang kanilang posisyon sa mundo ng panitikan at wika.
SANGGUNIAN:
Almario, Virgilio, ed. Walong Dekada ng Makabagong Tulang Pilipino. Maynila: Philippine Educational Co., Inc., 1981.
Almario, Virgilio etal. eds., UP Diksyunaryong Filipino. Pasig: Anvil at SWF, 2001.
Belsey, Catherine at Moore, Jane ed. The Feminist Reader. London: Macmillan, 1997.
Camagay, Maria Luisa. Working Women of the 19th Century. Quezon City: UP Press, 1995.
Daly, Mary. Gyn/Ecology: The Metaethics of Radical Feminism. Boston: Beacon, 1978.
Daly, Mary. The Church and the Second Sex. Boston: Beacon, 1985.
Datuin, Flaudette May. Home Body Memory. Quezon City: UP Press, 2002.
Demetrio, Francisco S.J. etal. The Soul Book. Quezon City: GCF Books, 1991.
Eisenstein, Zillag, ed. Capitalist Patriarchy and the Case for Socialist Feminism.New York: Monthly Review Press, 1979.
Eviota, Elizabeth. The Political Economy of Gender. London: Zed Boks, 1992.
Jaggar, Allison. Feminist Politics & Human Nature. New Jersey: Rowman Allanheld, 1983.
Kintanar, Thelma, ed. Women Reading. Quezon City: UP Press at UP UCWS, 1992.
Lodge, David. Modern Criticism and Theory. New York: Longman, 1988.
Lumbera, Bienvenido at Lumbera, Cynthia ed. Philippine Literature: A History and Anthology. Pasig: Anvil, 1997.
Mendez - Ventura, Sylvia. Feminist Readings of Philippine Fiction: Critique and Anthology. Quezon City: UP Press, 1994.
Mojares, Resil. Waiting for Mariang Makiling. Quezon City: ADMU Press. 2002.
Patoja-Hidalgo, Cristina. Gentle Subversion. Quezon City: UP Press, 1998.
Pineda, Ponciano, ed. Diksyunaryo ng Wikang Filipino. Maynila: Komisyon sa Wikang Filipino, 1998.
Pineda-Ofreneo, Rosalinda. etal. Feminist Theories and Movements. Quezon City: UP Open University and UP CSWCD, 1997.
Quindoza-Santiago. Sa Ngalan ng Ina. Quezon City: UP Press, 1997.
Reed, Evelyn. Is Biology Woman’s Destiny. New York: Pathfinder Press, 1985. Chapter 1.
Reyes, Soledad, ed. Ang Silid na Mahiwaga: Kalipunan ng Kuwento’t Tula ng mga Babaeng Manunulat. Pasig: Anvil. 1994.
Robbins, Ruth. Literary Feminisms. London: Macmillan, 2000.
Santos, Benilda. “Ang Panitikan ng Kababaihan at Ang Rebisyon ng Pambansang Panitikan,” nasa Daluyan, 4 (1997): 459-498.
Torres-Yu, Rosario. Sarilaysay. Pasig: Anvil, 2000.
Villa-Panganiban, Jose, ed. Diksyunaryo-Tesauro Pilipino-Ingles. Maynila: ______, 1973.
Villanueva, Rene at Vim Nadera, eds. Ang Aklat Likhaan ng Dula (1997-2003). QC: UP Press, 2006.
Warhol, Robyn and Diane Herndl, ed. Feminisms: An Anthology of Literary Theory and Criticism. USA: Rutgers,1991.
________________. Women’s Role in Philippine History. Quezon City: University Center for Women’s Studies, 1990.
http://www.panitikan.com.ph/criticism/thewriterandherroots.htm
[1] 101010101. Ito ang Boolean number, ang wika ng computer. Sinasabing lahat ng impormasyon — salita, letra, marka — na iniimput sa computer ay may katumbas na numero: maaaring 1 (on) o kaya naman ay o (off). Sinusundan nito ang lohika ng matematika kung saan ang numero 1 ay katumbas ng “pagkakaroon”, ng “pagiging narito”. Sa madaling salita, may value o halaga ang numero 1. Sa kabilang banda, kabaligtaran naman nito ang bilang na 0. Ito ay ang “pagiging wala” na katumbas din ng kawalan ng halaga.
[2] Ito ay babai, babaye, babayi, bayi sa ibang mga wika sa Pilipinas.
[3] Bagamat marami ang nagtatalo kung talaga bang pantay ang katayuan ng babae at lalaki noong panahong ito. Elizabeth Eviota, The Political Economy of Gender (London: Zed Boks, 1992), pp. 3-5.
[4] Bagamat may ilang lalaki rin na gumaganap nito, kailangan pa rin nilang magsuot ng mahabang buhok at malabestidang damit sa kanilang komunidad. Francisco Demetrio S.J. etal., The Soul Book (Quezon City: GCF Books, 1991). p.138.
[5] Zeus Salazar, “Ang Babaylan sa Kasaysayang Pilipinas” nasa Women’s Role in Philippine History (Quezon City: University Center for Women’s Studies, 1990), pp. 35-41.
[6] Rosalinda Pineda-Ofreneo, “Tracing A Hidden Tapestry” nasa Women Reading, ed. Thelma Kintanar (Quezon City: UP Press at UP UCWS, 1992), pp. 31-32.
[7] Binanggit sa Lilia Quindoza-Santiago, Sa Ngalan ng Ina (Quezon City: UP Press, 1997), pp. 47-48.
2 Ang pagtutumbas sa mga salitang ‘kayarian’ at ‘kasarian’ sa ‘sex’ at ‘gender’ sa Ingles ay ginamit ni Lilia Q. Santiago, Sa Ngalan ng Ina (Quezon City: UP Press, 1997), p.10-11.
[8] Hiniram ni Elizabeth Eviota, Political Economy of Gender (London: Zed Books, 1992), pp. 3. kay Nancy Chodorow, “Mothering, Male Dominance and Capitalism,” nasa Capitalist Patriarchy and the Case for Socialist Feminism, ed. Zillah Eisenstein (New York: Monthly Review Press, 1979).
[9] Santiago, p. 11.
[10] Mary Daly, The Church and the Second Sex (Boston: Beacon, 1985); _____________, Gyn/Ecology: The Metaethics of Radical Feminism (Boston: Beacon, 1978).
[11] Rosalinda Pineda-Ofreneo etal., Feminist Theories and Movements (Quezon City: UP Open University and UP CSWCD, 1997), pp. 93-94. Maaaring ring basahin ang Maria Luisa CAmagay, Working Women of the 19th Century (QC: UP Press, 1995), Kabanata sa Maestras.
[12] Itinuturing si Leona Florentino bilang “first full-time Filipino woman of letters” samantalang si Magdalena Jalandoni naman ang pinakaunang nobelistang Filipina ng bansa. Ang kanilang maiksing talambuhay ay mababasa sa http://www.panitikan.com.ph/criticism/thewriterandherroots.htm
[13] Nabanggit sa Lilia Quindoza-Santiago, Sa Ngalan ng Ina (Quezon City: UP Press, 1997), pp. 7-8.
[14] Nasa Ruth Robbins, Literary Feminisms (London: Macmillan, 2000), pp. 7-8.
[15] Rosario Torres-Yu, Sarilaysay (Pasig: Anvil, 2000), pp. 2-3.
[17] Ang mga tulang “Pag-iisa,” “Mga Batang Taludtod,” at “Isang Tulang Haka kay Hen. Antonio Luna” ang napasama sa koleksyon.
[18] Ang dulang “Agnoia” ay ibinatay sa maikling kuwentong “Horoscope” na isinulat ni Eli Guieb
[19]Ang mga babaeng makata at fiksyunista na napasama sa koleksyon ay sina Filonila Abordo, Carmen Acosta, Mila Aguilar, Rosalia Aguinaldo, Filomena Alcanar, Paquita Alejandro, Trinidad Alvarez, Eden Apostol, Corazon Arceo-Entrada, Liwayway Arceo, Natalia Baltazar, Joi Barrios, Lualhati Bautista, Mary Ruby Beltran, Merlinda Bobis, Cecelia Caquingin, Teresita Capili-Sayo, Lucila Castro, Remedios Cayari, Olivia Cervantes, Emma Maria Cristina, Teresita Arce Cruz, Ma. Assunta Cuyengkeng, Amor Datinguinoo, Simeona Decena, Susana De Guzman, Mariett Dichoso, Gregoria De Jesus, Nieves Baens Del Rosario, Genoveva Edroza Matute, Ma. Gloria Esguerra, Evelyn Estrella, Lucia Valentin Eusebio, Rowena Penaflor Festin, Zenaida Arcega Flores, Fanny Garcia, Mila Reyes Garcia, Flor Condino Flores, Gloria Villaraza-Guzman, Aida Paredes Hombrebueno, Virginia Ignacio, Rose Latoga Jao y Labayo, Leonila Gatmaitan Jose, Mercedes Jose, Marra Lanot, Francisca Laurel, Rosario de Guzman-Lingat, Rosario Cruz Lucero, Ruth Elynia Mabanglo, Pilar Manalili-Garcia, Teresita Manaloto, Luz Maranan, Jovita Martinez, Francine Medina, Loreta Medina, Noemi Medina, Edna Mercado, Vicenta Navarro, Ma. Magdalena Novella, Pilar Pablo, Jean Page, Ma. Belen Paloma, Aurora Payad, Rosalinda Pineda, Lilia Quindoza Santiago, Maria Ramos, Ma. Elnora Roca, Cleothilde Reyes, Ligaya Rubin, Aida Santos-Maranan, Benilda Santos, Cristeta Santos, Lady Ana May Sia, Luna Sicat, Priscilla Supnet-Macasantos, Lorena Tariman, Ivy Catherine Tomenio, Ma. Luisa Torres, Lina Flor Trinidad, Veronica Uy, Adela Vera, Anacleta Vilalcirta-Agoncillo, Sofia Viray, at Ma. Jovita Zarate.
[20] Binubuo ang koleksyon ng mga tula na nasa wikang Tagalog, Ingles at Ilokano. Kasama sa listahan sina (Tagalog) Gregoria De Jesus, Filomena Alcanar, Zenaida Arcega Flores, Edna Mercado, Eden Apostol, Maria Ramos, Ligaya Perez, Margarita Francia Villaluz, Gloria Villaraza Guzman, Fanny Garcia, Emelita Perez Baes, Flor Condino Gonzales, Rhea Cabrera, Romina De Los Reyes, Clarita Roja, Marua Luisa Torres, Marra Lanot, Rosalinda Pineda, Ruth Elynia Mabanglo, Ruby Gamboa Alcantara, Ligaya Rubin, BS Amor, Nena Gajudo, Aida Santos, Chit Balmaceda-Gutierrez, Estrella Consolacion, Adora Faye De Vera, Priscilla Supnet Macasantos, Lilia Quindoza Santiago, Lualhati Bautista, Anna Maria Gonzales, Maria Michaela Sanchez, Joi Barrios, Merlinda Bobis, Luz Barca Maranan, Lucia Makabayan, Rowena Penaflor Festin, Maria Jovita Zarate, Zelda Soriano, Benilda Santos, (Iloko) Leona Florentino, Enriqueta De Peralta, Antinia Marcos Rubio, Ursula Villanueva, Cresencia Dela Rosa-Domingo, Pacita Saludes, Florentina Somera, Hermilinda Lingbaoan, Alice Almario, Mercedes Magno, (Ingles) Angela Manalang Gloria, Tarrosa Subido, Tita Lacambra Ayala, Mila Aguilar, Maria Lorena Barros, Nieves Benito Epistola, Lucila Hosillos, Denise Chou Allas, Anna Leah Sarabia, OH Tipon, Elizabeth Lolarga, Migen Osorio, Ophelia Alcantara Dimalanta, Merlie Alunan Wenceslao, Marjorie Evasco, Christine Godinez Ortega, Fanny Haydee Llego, Grace Monte de Ramos, Karina Africa Bolasco, Lina Sagaral Reyes at Ma. Luisa Aguilar-Carino.
[21]Kabilang sa mga kuwentong-buhay ay kina Anacleta Villacirta-Agoncillo, Liwayway Arceo, Amelia Lapena Bonifacio, Gloria Villaraza Guzman, Genoveva Edroza Matute, Lualhati Bautista, Fanny Garcia, Sol Juvida, Marra Lanot, Rosario Lucero, Elynia Mabanglo, Rosalinda Pineda-Ofreneo, Lilia Quindoza-Santiago, Aida Santos, Rebecca Anonuevo, Glecy Atienza, Mayette Bayuga, Joi Barrios, Benilda Santos at Luna Sicat.
[22] Elaine Showalter, “The Female Tradition,” nasa Feminisms: An Anthology of Literary Theory and Criticism, ed. Robyn Warhol and Diane Herndl (USA: Rutgers, 1991), pp. 269-288.
[23] Benilda Santos, “Ang Panitikan ng Kababaihan at Ang Rebisyon ng Pambansang Panitikan,” nasa Daluyan, 4 (1997): 459-498.
tnx ah . nid n kc sa project . dmeng author dito . tnx tlga .
Ang ganda nito. Hindi ko pa naman tapos basahin. Pero ang dami kasing binanggit na sources, at napag-sama-sama yung sociological taken for granted realities at sarili nating “history”.
Ang critique ko lang siguro is may pagka-determinist dahil yung iba na hindi naman “manifest” na makapag-discriminate ng kababaihan ay nappoint out, gaya nung definition ng literature. alam na nating may pagka-sexist ang english kaya “man” yun pero not literally naman siguro na men lang nga ang tinutukoy nung dictionary. saka dun sa simula, yung early filipino dictionaries, sana pinakita yung definition ng “lalaki”. wala lang nacurious ako. all in all ang dami kong natutunan. i hope constructive naman ang criticisms na to dahil maganda talaga ang ginawa mo. salamat!
ur welcome Khim Ann
samantha thanks for reading.
actually may emphasis talaga sa pagiging male-centered ng English language vis-a-vis Tagalog…
kinu-question rin talaga ang ‘universalizing’ definition-power ng salitang MAN sa English
meron pang part 2 nito… binalikan ko ang definition ng LALAKI sa Vocabulario de la Lengua Tagala
Ang tibay nmn nito.. ang dami.. boring
piano rental…
Hello
I bookmarked this site. Thanks heaps for this!… if anyone else has anything, it would be much appreciated. Great website Super Pianoforte Links http://www.en.Grand-Pianos.org Enjoy!…