“Ang Tatlong Mukha ng Tondo sa Pelikulang ’Tribu’ ni Jim Libiran”
October 1, 2008 by mic-camba
Isinalaysay mabuti ni Jim Libiran sa pamamagitan ng mata ng isang sampung taong gulang na batang lalaki, si Ebet, ang bukas na lihim ng Looban: ang ekonomikong kahirapan at maging ang pang-araw-araw na buhay ng mga rappers / gangs ng Tondo na humihinga at nabubuhay sa dugo at ganti. Dito umikot ang kuwento ng pelikulang “Tribu”[1] na ibinatay sa 2006 First Prize ng Don Carlos Palanca Memorial Awards, sa kategoryang Dula sa Wikang Filipino.[2]
Itinuturing ng ilan ang pelikula bilang may mala-“City of God” (2000) na tema at mala-docu na bersyon ng “Gangland” (1995) ni Peque Gallaga. Para naman sa ilan sensasyunalismo ang ginawa ni Jim Libiran[3]. Subalit, para sa akin, higit pa sa reyalismo ang ipinapakita ng pelikula: mula sa pagkuha ng direktor sa mga taga-Tondo, partikular yaong mga mismong rappers at gangsters, ang mga tambay sa tindahan at kanto, sa mga nagrereklamo sa billing ng Meralco at iba pa, bilang mga mismong artista sa pelikula ang nagpadagdag sa pagiging makatotohanan ng buong pelikula; bagkus, ang pelikula ay buhay na saksi sa mayamang kasaysayan ng Tondo.
Una na rito ang Tondo bilang lugar-pagsamba. Hindi ko makakalimutan ang poetikong linyang nakakuha sa aking atensyon sa simula pa lamang ng palabas: “Sa Tondo, kahit bata, pwedeng maging Diyos,” sabi ng 10 taong gulang na si Ebet habang ipinapakita ang benerasyon sa Sto. Nino na patron ng Tondo.[4] Makikita sa unang eksena pa lamang ng pelikula ng maingay at makulay na fiesta, mula sa pagpruprusisyon sa santo na kasunod ang maraming tao, sa mga bandiritas na nakasabit sa kalsada, sa mga salu-salo at umpukan ng mga mahilig tumagay sa kanto. Ang makasaysayang Santo Nino de Tondo Parish na unang itinayo 1572 ay naging saksi sa buhay-misyunero ng mga Fransiskano at Agustino, sa galit at higanti ng mga Sangley noong 1641, mga lindol[5] at pagplaplano ng mga Amerikano at Hapones nang magkuta sila rito.[6] Idagdag pa rito ang iba’t ibang kuwento ng milagro kaugnay ng Santo Nino. Isa na rito ang milagro diumano noong 1945; habang binobomba ng tropa ng mga Amerikano ang Hapones, ang mga debotong sumama sa paglitas (at sumunod) sa imahen ng Santo Nino ay hindi nakakuha ng kahit anumang sugat o galos mula sa putukan / gera.[7]
Ikalawa ay ang Tondo bilang lugar ng mga matatapang. Sa unang eksena, habang ipinapakita ang benerasyon sa patron, kasunod noo’y ang mga imahen ng mga binatilyo at dalagang lantad sa karahasan, walang takot at handa nang kumitil ng buhay; mga teenagers (ang ilan sa kanila ay musmos pa nga katulad ni Ebet) na naghahari-harian sa gabi sa kani-kanilang eskinita at teritoryo. Kung tutuusin, isang malaking kabalintunaan (paradox) ang relihiyosong sentimiento ng sangka-Tundohan sa mga pangalang Eseng, Asiong Salonga at iba pang siga ng Tondo. Subalit higit pa sa gangwars at kulturang siga, ang Tondo ang bayan nina Rajah Lakandula at Rajah Sulayman na nakipagtagisan ng lakas sa konquistadores, ito ang baying sinilangan nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto at maging ng rebolusyunaryong organisasyong Katipunan.
Panghuli, umaalingawngaw ang buong palabas hindi lamang sa mga freestyle na nililikha ng mga streetpoet / rapper na bida ng pelikula bagkus maging ng presensiya nina Vim Nadera[8] (bilang kolektor ng Meralco) at Mike Coroza[9] (bilang isa sa mga pulis) na kapwa mga multi-awarded na makata sa tunay na buhay, at maging ng mga bersong ibinibigkas ni Teo Antonio[10] (bilang tindero ng pritong manok sa kanto) na isa rin makata. Muling ibinabalik at ipinaaalala ng pelikula ang Tondo bilang isang makasaysayang pook ng mga berso at talinghaga. Sa Tondo, naganap ang pinakaunang Balagtasan sa Pilipinas (Abril 1924) sa pagitan nina Jose Corazon de Jesus (aka Huseng Batute) at Florentino Collantes.[11] Sa Tondo rin naganap ang isa sa pinakamalaking rally (Marso 1940) ng mga Modernong Makata sa pamumuno ni Alejandro G. Abadilla (aka AGA) laban sa tradisyunal o balagtasistang paraan ng pagtula; sa nasabing rally, sinunog nila ang mga itinuturing na Sakdalista at Rebelde sa Panulaang Tagalog ang mga libro ng mga matatandang makata bilang simbolikal na pagtalikod sa mekanikal na paglika ng mga makatang may sukat at tugma.[12] Sino rin ang makalilimot sa hindi mabilang na mga makata na ipinanganak, lumaki at naging kanlungan ang Tondo? Nariyan ang mga Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan na sina Amado V. Hernandez[13] at Rolando Tinio.[14]
Sa kabuuan, higit sa reyalismo (o sensasyunalismo para as ilan) ang pelikulang “Tribu” na Jim Libiran, bagkus ito ay artikulasyon ng napakamayaman at napakamakulay na kasaysayan ng sangka-Tonduhan mula noon hanggang sa kasalukuyan.
[1] Ang pelikula ay muling ipinalabas nitong kakatapos na Cinemalaya 2008 sa Cultural Center of the Philippines noong ika-19 ng Hulyo taong kasalukuyan.
[2] Ang dula ay pinamagatan ring “Tribu” at isinulat rin ni Jim Libiran.
[3] Kung babalikan ang buhay ni Libiran, siya mismo ay ipinanganak at lumaki sa Tondo, Maynila.
[4] Ang Pista ng Santo Nino ay ginaganap tuwing Ikatlong Linggo ng Enero. Nasa http://www.manila-map.com/parish_feast.html
[5] Ito ang nagsilbing bahay ng mga Fransiskano nang masunog ang kanilang monasteryo noong 1583. Naging Stadium Grammaticae ng mga Agustino dahil ang kanilang monasteryo’y itinatayo muli matapos itong masunog. Nasira ng lindol ang simbahan noong 1645 at 1740. Nasa http://www.manila-map.com/parish_history.html
[7] Ibid.
[8] Si Victor Emmanuel Carmelo Nadera Jr o Vim ay kilala bilang “Ama ng Performance Poetry” sa bansa. Siya ay naging Makata ng Taon sa Talaang Ginto noong 1992 at 1994. Bukod pa rito, siya ang dating direktor ng UP Institute of Creative Writing. Noong isang taon, binigyang parangal siya sa SEA Writers Award sa Singapore. Ang “15 Lamang” ang isa sa koleksyon ng kanyang mga tula; nanalo rin ang mga tula sa koleksyon ito sa Don Carlos Palanca Memorial Awards (DCPMA). Kasapi rin siya ng Linangan ng Imahen, Retorika at Anyo (LIRA), isang grupo ng mga makata. Nasa Vim Nadera, 15 Lamang (Manila: DLSU, 2000).
[9] Si Michael Coroza ay kasalukyang guro ng panitikan sa Ateneo de Manila University. Nagkamit na siya ng mga pangunahing gantimpala mula sa DCPMA, Talaang Ginto at iba pa. Kasapi rin siya ng LIRA. Ang “Dili’t Dilim” at “Mga Lagot na Liwanag” ang ilan sa kanyang mga antolohiya ng tula. Nasa Michael Coroza, Mga Lagot na Liwanag (Manila: UST Press, 2001).
[10] Si Teo Antonio ay isa sa mga tagapayo ng LIRA. Binigyang parangal siya sa SEA Writers Award noong 1998. Ilan sa kanyang koleksyon ng mga tula ay “Mga Tula ng Pag-ibig” at “Kalawang sa Patalim.” Kilala rin siya bilang isa sa mga pangunahing mambabalagtas sa kasalukuyang panahon. Nasa Teo Antonio, Kalawang sa Patalim (QC: UP Press, 1999).
[11] Virgilio Almario, “Antaeus Syndrome sa ‘Ang Pagbabalik’ ni Jose Corazon de Jesus,” nasa Ang Mutyang Dilim (Pasig:Anvil, 2001) p. 56.
[13] Ipinanganak noong Setyembre 13, 1903. Ang ilan sa kanyang mga koleksyon ng tula ay ang “Kayumanggi at iba pang mga Tula” at “Bayang Malaya.” Iginawad sa kanya ang titulong Pambansang Alagad ng Sining noong 1970. Namatay siya noong Marso 24, 1970. Nasa www.panitikan.com.ph.
[14] Ipinanganak noong Marso 5, 1937. Nagtapos sa Iowa State University sa kursong MFA: Creative Writing. Nakapaglimbag ng apat na koleksyon ng tula “Sitsit sa Kuliglig,” “Dunung-Dunungan,” “Kristal na Uniberso,” at “Trick of Mirror.” Isa sa mga pasimuno ng Kilusang Imahista, sa pamamagitan ng mga Bagay Poetry, sa Ateneo de Manila University. Kilala siya sa kanyang mga tulang Taglish. Siya ay naging Pambansang Alagad ng Sining noong 1997. Namatay siya noong Hulyo 1997. Nasa http://www.panitikan.com.ph/authors/t/rstinio.htm at http://www.ncca.gov.ph/about_cultarts/cultprofile/natarts/theater/tinio.php.
“Muling ibinabalik at ipinaaalala ng pelikula ang Tondo bilang isang makasaysayang pook ng mga berso at talinghaga… Sa kabuuan, higit sa reyalismo (o sensasyunalismo para as ilan) ang pelikulang “Tribu” na Jim Libiran, bagkus ito ay artikulasyon ng napakamayaman at napakamakulay na kasaysayan ng sangka-Tonduhan mula noon hanggang sa kasalukuyan.” –> Wow! Magandang insight po ito.
Pwede ko bang gamitin ang ideya niyong ito sa aking thesis (tungkol sa Tondo)? Wag kayong mag-alala, I will cite my source. 
hello! I like your site
If you r looking for Paid Surveys this is the site for u.
Start advancing your paychecks on http://tinyurl.com/8eysyc
ayy ewan ko!
wla nmn d2 ung liwanag at dilim ni emilio jacinto..
EPAL!!!!!!
hahaha