Cinemalaya’s TRIBU (by Jim Libiran)
August 2, 2007 by mic-camba
Ang sabi ng iba, mala-“City of God” (2000) ang atake sa pelikulang ito na nakabatay sa 2006 first prize play ng Don Carlos Palanca Memorial Award na isinulat rin ni Jim Libiran. Mala-docu na bersyon ng “GangLand” (1995) naman ni Peque Gallaga ang tingin ng iba. Resulta marahil ang mga pahayag na ito ng paksa, pagiging biswal sa karahasan, at iba pa. Anu’t anuman, ito ang paborito kong pelikula (sa lima na napanood ko) sa Cinemalaya.
Sensasyonalismo ang tawag ng ilan sa ginawang pagtalakay ni Libiran sa pang-araw-araw na buhay ng mga Tondo rappers, subalit ang tawag ko rito’y Realismo. Bilang buhay na saksi sa buhay-Tondo, isinalaysay mabuti ni Libiran ang isang bukas na lihim ng Looban: ang ekonomikong kahirapan at buhay-gang.
Niyayakap ni Libiran ang esensiya ng Indie (para sa akin) bilang isang (limitadong) espasyo at midyum na hindi lamang para sa “malayang” pagpapahayag ng isang manunulat ng kanyang saloobin, bagkus bilang isang espasyo upang ilahad / ilantad ang reyalidad ng lipunan sa pinakamatapat na paraan. Ang pagkuha sa mga taga-Tondo, partikular sa mga mismong rappers at gangsters, sa mga tambay ng tindahan at kanto, sa mga nagrereklamo sa billing ng Meralco at iba pa, bilang mismong artista sa pelikula ang nagpadagdag sa pagiging makatotohanan ng buong pelikula. Bagaman, hindi naman maitatanggi na dahil “acting” pa rin ang kanilang ginawa (dahil hindi naman tunay na docu o bahagi ng third world cinema ang palabas), at bilang mga “amateur actors” may ilang eksenang eksaherado, partikular ang eksenang gangwar, na para pa nga sa iba ay “poorly executed.”
Hindi ko makakalimutan ang poetikong linyang nakakuha na sa aking atensyon sa simula pa lamang ng palabas. “Sa Tondo, kahit bata, pwedeng maging Diyos,” sabi ng isang 8 taong gulang na batang lalaki habang ipinapakita ang benerasyong ibinibigay sa Sto. Nino, ang patron ng Tondo, kasunod ang imahen ng mga binatilyo at dalagitang lantad sa karahansan, walang takot at handa nang kumitil ng buhay; mga teenagers (ang ilan ay musmos pa nga) na naghahari-harian sa gabi sa kani-kanilang eskinita at teritoryo. Kung tutuusin isa nang malaking balintuna (paradox) ang relihiyosong sentimiento ng sangkatundohan at ang palaging asosasyon rito sa karahasan at pagiging sanggano.
Umaalingawngaw ang pagkamatulain atmospera ng buong palabas hindi lamang dahil sa mga bersong binitawan ni Teo Antonio (ang tindero ng manok), bagkus maging sa presensiya nina Vim Nadera (kolektor ng Meralco) at Mike Coroza (isa sa mga pulis) na kapwa mga multi-awarded na makata sa tunay na buhay. Idagdag pa mismo ang presensiya at mismong mga bersong inililikha ng mga streetpoets / rappers na bida ng pelikula.
Nire-reclaim muli ng palabas ang Tondo bilang makasaysayang pook ng mga berso at talinghaga. Sa Tondo, naganap ang pinakaunang Balagtasan sa Pilipinas (Abril 1924), sa pagitan nina Jose Corazon de Jesus (aka Huseng Batute) at Florentino Collantes. Sa Tondo, naganap ang pinakamalaking rally (Marso 1940) ng mga Modernong Makata sa pamumuno ni Alejandro G. Abadilla (aka AGA) laban sa mga Tradisyunal na makata; sa nasabing rally sinunog ng mga itinuturing na Sakdalista at Rebelde sa Panulaang Tagalog ang mga libro ng mga matatandang makata bilang simbolikal na pagtalikod sa mekanikal na paglikha ng mga makatang may sukat at tugma.
maganda…very realistc
brilliant idea to show the real situation of the out of school teenagers that end up being a gangster,,,
zup !!!
petmalu!!
true brown style
ang pinaka malupet!!
sir. san pwde makakuha ng copy nito.. gusto ksi panooorin at ipapanood sa mga bata dito sa amin. para maiwas sila sa gulo.
Hey, i save funny photos
here