Tapaeng’s *
June 28, 2006 by mic-camba
Pauwi na ako ng bahay galing Gateway nang napagdesisyunan ni Manong driver na kumaliwa sa may Anonas. Shortcut daw ito kaysa sa pilitin pa naming suungin ang mabagal na daloy ng traffic sa kahabaan ng Aurora. Fine. Walang problema. Makatitipid ako.
Sa kanto ng Anonas, tapat mismo ng ever-famous na concert hall ni Pepe Alcantara, ang Freedom Bar (named after his 1980’s ND sentiments), isang pangalan ng kainan ang kumuha ng aking atensyon. Tapaeng’s. Sa puntong iyon, nag-mistulang 10kph ang bilis ng pagmamaneho ni Manong. Nag-slow motion ang lahat, kahit na hinarurot ni Manong ang taxi. Parang xerox machine na pinilit kong alalahanin ang harapan ng tindahan, ang kulay ng neon board, ang lettering nito, ang lahat na pwede pang imemorya habang nagkanda-bali-bali na ang leeg ko kakatingin sa likod.
Ang Tapaeng’s. Kilala ko ang pangalang ito dahil sa makailangan beses na ring nabanggit ng tatay ko ang kainang ito, na pagmamay-ari ng isang estudyante sa College of Home Economics, na madalas ay pagbilhan niya ng sariwa at / o dinaing na bangus sa bagsak na presyo sa kadahilanang may posibilidad daw na magkamag-anak sila (ang apelyidong Natividad na taga-Pangasinan ang kanilang pagkakaugnay). Subalit bukod pa sa mahabang kuwentong pasakalyeng ito, ang tao / pangalan sa likod ng Tapaeng’s ay kuwento ng buong Grade 10 life ko.
Si Paeng ang may-ari ng kainan na ito. Two batches, lower sa akin. Isang payat, moreno, nakasalamin na may itim na manipis na frame at nakabraces. Sa unang tingin, akala mo’y ginagaya ang isa niyang ka-barkada na si Francis, na noo’y binansagang Jao Mapa look-a-like. To make this comparison short, Jao look-a-like talaga si Francis at si Paeng ay hindi. Ang cutie talaga na kapansin-pansin noon ay si Francis at dahil may kabarkada siyang parang ginagaya siya, nakuha niyon ang atensyon ko. Ang totoo, wala rin akong ka-ide-ideya sa pangalan ni "gaya-gaya". Hanggang sinabi na lamang ni Sherly na Conrad daw ang pangalan niya. Narinig daw kasi niyang isinigaw minsan ni Elizabeth na ka-batch nila. Mula noon, tinawag naming siyang Conrad. Hanggang sa matapos ang ilang araw na pagre-research, nalaman naming Paeng pala ang pangalan niya. Hayyy.
Iyon na rin ang nagsimula ng “stalking life” ko. Naaalala kong uupo kaming magkakabarkada sa lugar na madalas niyang puntahan, at pagdadaan siya, ewan… pero hindi lang talaga namin mapigilan ang tumawa. Madalas ay nagagawa rin naming magparinig — “O ayan, parating na si look-a-like, pero mukhang acable!!”. Nagawa ko ring kunin ang iskedyul ng section niya, 8-Butterfly, at aabangan naming magkakaibigan ang paglabas niya, para lang ulit tumawa pag nasa harapan na namin siya. Bukod pa dyan, pinili ko talagang maging student assistant noon ni Ma’am Samonte sa Social Studies para lang mapasukan at ma-observe ang klase niya. At para, magmukhang may personal touch na ang aming “pagkakakilala”, pinili ko siyang maging isa sa mga respondents sa survey na ginagawa namin para sa term paper sa English class ni Ma’am Hermosa (sumalangit nawa) — na sinagutan naman niya. (at hanggang ngayon ay may kopya pa ako; ipopost ko nga minsan). Dagdag pa rito, tila nakikiisa ang mundo. Sino nga namang mag-aakala na bestfriend pala ng pinsan ko ang kapatid niyang si Isabel, na nakakuwentuhan at kasulatan ko rin ng ilang beses. Tsk, tsk. Kita mo nga naman ang pagkakataon di ba? Doon ko pa lalong nalaman ang maraming bagay… birthday, pangalan ng magulang at mga okupasyon niyon, pangalan ng mga kapatid at edad nila, telephone number (di pa uso ang pager at cellphone noon), address, plate number ng van nila, ang planong pagtakbo sa student council, mga crush na artista at ka-batchmate etc. etc.
Ngayon, habang nagbabalik-tanaw ako sa buhay-Grade 10 ko dulot na rin ng nakita kong Tapaeng’s, naalala ko ang nabanggit ng pinsan ko (na kaibigan ni Isabel) noong minsang nagbakasyon siya sa Pilipinas. Nagkakwentuhan raw sila ni Isabel, at tinatanong ni Issa kung ano daw ba ang ginawa ng kuya nya para i-harass ko, ng barkada ko. Nagulat talaga ako, noong narinig ko iyon, kaya nga, agad ko ring tinawagan si Sherly. Ang totoo, wala naman kaming intensyon na i-harass o maliitin siya. Ang totoo, nagkakatuwaan lang kami. Malayo sa isip namin ang gayun. Ako mismo, hindi ko inakala na may ganoong impresyon akong nililikha, kapag nakakasalubong ko siya. Hindi ko lang talaga mapigilan ang pagtawa. Doon ko rin lang naaalala ang ilang mga okasyong nakikita ko si Paeng sa Diliman noong kolehiyo na siya. Kung paanong nagagawa pa rin niyang yumuko tuwing nakakasalubong ko siya sa Sunken, o biglang pagtahimik pag dadaan ako.
Oo, I can be rude sometimes (or most of the times). And I’ve been rude to Paeng. And I’m really, really apologetic about it.
*Ang Tapaeng’s ay matatagpuan sa Anonas (Quezon City), sa Robinson’s Fairview, sa Cebu Institute of Technology, sa JY Mall sa Cebu, sa Banilad (Cebu) at sa Laguna.