ilang tala ng karanasan sa LIRA
June 21, 2006 by mic-camba
Nakakatawa ngang isipin na noong nakaraang taon, habang sinusulat ko ang aking puna sa grupong PEN, sa pagiging "ekslusibo" nito (dahil sa mga kahingian, partikular sa publikasyon) at sa pulitika sa likod ng mga workshop, kontest at palimbagan, heto ako ngayon, fellow ng grupong Linangan ng Imahen, Retorika at Anyo (LIRA). Kabilang na rin sa "maswerteng" mapapasailalim ng mga naglalakihang mga pangalan sa mundo ng tula. Makakadaupang palad ko ang mga "big fishes" sa pag-asang, baka… mahuli ko rin ang sistema at paraan ng paglikha ng magagandang taludtod at talinghaga. Sana….
Subalit sa likod ng motibasyong matuto at gumaling, hindi pa rin mawaglit sa aking isip ang una kong naging impresyon sa grupo: elitismo. Gusto kong isipin na nakataas talaga ang mga noo ng sinumang makata. Bakit nga naman hindi? Biruin mo, sa loob ng ilang saknong, ilang taludtod at pantig, kailangan nilang masabi ang gusto nilang sabihin… di tulad ng, maikling kuwento halimbawa, na may 2 o higit pang bilang ng papel bilang espasyo upang padaluyin ang ideya. Dagdag pa rito, partikular sa grupo, butas naman talaga sa karayom ang pinagdaan ng mga nagsipagtapos ng kurso. Hindi sapat na magworkshop ka, commitment at displina (gaya na rin ng sinabi sa oryentasyon) ang kailangan. Kita mo naman, mahigit sa dalawang beses na pagliban, kinokonsidera ka nang "drop", o FDA (failure due to absences). Konsiderahin pang tuwing sabado at linggo ang palihan, alas-nueve ng umaga hanggang ala-singko ng hapon, mula hunyo hanggang agosto. {isang anektoda: Minsan na ngang nagbiro si Mike Coroza noong nakaraang miting. Ang sabi niya: Sinong baliw ang gigising ng maaga ng linggo (gayong Father’s Day pa noon) at uuwi ng ala-singko ng hapon para lamang matuto ng pagtula?" Tama nga naman, baliw lang talaga at adik sa tula ang gagawa ng gayon.} Bukod pa rito, tambak na gawain at takdang aralin ang ibinibigay. Maging ako ay saksi na nito. {isang anekdita: Nito nga lamang sabado, nagbigay ng homework si Mike na 5 tula na may sukat at tugma. Sa partikular, 2 tanaga (1 saknong, 4 linya at 7 pantig), 2 dalit (1 saknong, 4 linya at 8 pantig) na kapwa may tugmang nagtatapos sa maragsa/malumi na E o I. Dagdag pa ang 1 awit (1 saknong, 4 linya at 12 pantig) na may sesurang 6-6 na makinis at nagtutugma titik I at sa mabilis/malumay na malakas na katinig. Lahat nang ito ay ipapasa noong linggo. Talagang nalulula ako. Hindi ko na rin babanggitin ang takdang aralin naming sa darating na sabado na 14 na tulang may kanya-kanya pang partikularidad.} Kaya naman walang kaduda-duda, marami ang lumiliban at di na nagtutuloy sa klase. Isa pa, hindi naman lahat nang nagtatapos ay magiging miyembro ng LIRA. Kung kaya naman, sa likod o harap ng hirap na pinagdadaanan nila, siguro nga, may yabang dapat silang ipakita. Siguro nga, pwedeng unawain.
Pero, nakakatakot… Dahil baka makasanayan ko ito… baka, dumating ang araw na iniisip ko na rin na isa ako sa mga matitibay… may disiplina at potensyal… isa na rin sa magtataas ng noo, yayakap sa ganitong uri ng elitismo, ngayon pa, na unti-unti na akong pumapasok sa gayong sistema ng pagpapahalaga.