ilang mga TANAGA*
June 21, 2006 by mic-camba
Salu-salo
Piyesta na sa dukha
Ang kanin na malata’t
Sinaluhan ng isdang
Pulot sa talipapa.
Salamat kay Doc
Ang kutis na sinumpa
Ay kikinis nang bigla,
Si Bello na’ng bahala
Sa sabong pampasutla.
Maikli ang Pisi
Nang dahil lang sa sukling
Kanina pa hinihingi
Ang kamao’y dumampi
Sa tinderong nabungi.
Sa TV Patrol
‘Pag may ibang kalaro,
T’yak outside de kulambo,
Kahit pa nakayuko
At magtakip ng panyo.
Para kina Victorina at Consolacion
(pasintabi kay Albina Fernandez)
Nu’ng gobyerno’y Kastila,
Sadyang kahanga-hanga
Ang mga mabunganga’t
Laging namimintana.
Pagtatapat
Naglalaro ang dila
Ng mga talinghaga
Nang aking maiwika
Ang pusong lumuluha.
Sermon #1
Buhay na mal’walhati’y
Makakamit nang lagi
Kung lupa’t ibang ari’y
Ibibigay sa pari.
Panliligaw
Sa una’y magbibiro’t
Kaunting hipu-hipo.
Susundan ng pagsuyo’t
Iba’t ibang pangako.
* Ang tanaga ay isang anyo ng katutubong pagtula ng mga Tagalog. Binubuo ito ng isang saknong, apat na taludtod, pitong pantig bawat taludtod at may tugma.