“Nacagayac … ng barong pina, nahihiyasan ng mga sabog, at ang canyang maluluang na mangas ang nahahayag sa mistulang linalic niyang manga bisig; naca-saya ng macambang sutla, na azul at putian ang mga guhit; nacatapis ng Macabebeng manipis, na lalong nagpadilag sa caniyang bay-uang na tumatauag ng pag-ibig; nacasaliig ng mapulang jusi, na pinapagsalicop sa tapat ng caniyang magandang lalamunan ang dalauang dulo, ng isang mariquit na tusoc, at pinaquiquisap ng lalong mahalagang “collar” o pang-liig na may mga perlas. Nahihiyasan ng hicao mestisang yari
ang caniyang maririquit na tainga; peineta at alpiler na brillanteng
animo’y paro-paro, ang sumusupil sa malago at maitim niyang buhoc, at isang
magaang paquisap ang naglalaro sa caniyang noo…” (Paterno: p. 36-37)
Ito ang suot ni Ninay, ang illustradong binibining bida ng nobela ni Pedro Paterno, sa isang pista sa Santa Ana, Maynila. Kung tutuusin, ang larawang ito ay hindi rin nalalayo sa karaniwang ayos / bihis ng mga Filipinang bahagi ng lokal na elite na nagpipilit na gayahin ang paraan ng pananamit ng mga Espanyol at iba pang mga Europeo noong papasok ang ikalabinsiyam na siglo. Nariyan at makikita ang mga binibining nakasuot ng binurdahang kamisa at alampay at saya na hanggang sakong na pinapatungan ng tapis; lahat ng tela’y gawa sa pinya. Ang ilan naman sa mga mas mapangahas na Filipina ay naka-empire cut at / o corte de jamon na sunod sa pinauso ng noo’y Emperatris ng Pransiya na si Josephine, naka-petticoats, habang ang ilan ay may suot na stockings. Popular rin ang paglalagay ng payneta sa buhok bilang aksesorya na sinasamahan pa ng ilan ng belo upang i-frame ang mukha, o ng itim na lasong may palawit at inilalagay sa leeg, at / o hindi mabilang na mga alahas at hiyas para sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Bagamat itinuturing ng iba bilang mga fashion victim ng kanilang henerasyon, hindi matatawaran ang subersyong ginagawa ng mga babaeng ito sa Amang Espanya hindi lamang sa paglikha ng sariling fashion statement na taliwas at malayo sa kanluraning sensibilidad bagkus maging ng pagsuway sa mga Turo ng Amang Simbahan ukol sa angkop na pananamit, kilos, at gawi.
Bibigyang pansin ng papel na ito ang diskurso ukol sa katawan ng babae bilang midyum / lugar ng kapangyarihan. Titingnan ang mga katawang ito na bagamat nasa ilalim ng gahum ng Amang Espanya at ng Amang Simbahang-Katoliko ay nagagawang kuwestiyonin, suwayin at hamunin ang mga ito sa pamamagitan ng pagbibigay-pokus sa mga kasuotan, kasama ang kilos at gawi, ng mga Filipina sa nobelang “Ninay,” ang pinakaunang nobelang Filipino. Batay sa subtitle na rin nitong “Ugali nang Catagalugan” (Costumbres Filipinas), balon ng diskusyon ang nasabing nobela ni Pedro Paterno dahil sa itinuturing ang nasabing babasahin bilang hanguan ng mayamang kultura / kaugalian / kostumbre ng mga Filipino lalo na noong huling bahagi ng ikalabinsiyam na siglo.
Kung tutuusin hindi nalalayo ang nakagawiang proseso ng pagbabasa ng panitikan sa proseso ng pagtingin na nagaganap sa lipunan. Parehong nangangailangan ang mga prosesong ito ng “tagatingin” at “tinitignan”. At dahil patriyarkal nga ang lipunan, hindi kataka-taka na madalas, ang binibigyang-pribilehiyo na magbasa at tumingin ay yaong mga lalaki, samantalang mga babae naman (madalas) gumaganap sa papel na tinitignan. Dahil dito, nangangahulugan na ang nabubuong imahen ng babae sa loob ng patriyarkal na lipunan ay labas sa kanyang persepsyon sa sarili bagkus ay nakabatay sa pantasya at pangangailangan ng mga lalaki, nakabatay sa larawan na gustong makita ng mga lalaki. Pinatutunayan lamang nito na, una may pulitika sa pagitan ng mga kasarian (dahil sa binibigyang-prebilehiyo at kapangyarihan nito ang isang grupo kumpara sa iba), pangalawa, pinapakita rin na ang paraan ng pagbasa at pagtingin ay hindi nyutral na gawain. Kung saan ang mambabasa ay maaaring para sa hegemoniya o laban dito, maaring tagapreserba ng nananaig na sistema o tagabuwag ng kasalukuyang kaayusan.
Subalit, bagamat may nananaig na gahum at kaayusan na pumapabor sa Batas ng Ama, hindi naman ito pikit matang tinatanggap na lamang. Bagkus, sa loob rin nito mismo ay may umuusbong na isang kontra-hegemoniya, isang bagong paraan ng pagpapahalaga at pagbasa na naglalantad at tumutunggali sa kasalukuyang patriyarkal na kaayusan. Ito ang pagbasang gamit ang mata ng malay na Filipinang Feminista.
Maraming mahahalagang konsepto ang nakapaloob sa paraan ng pagbasang ito na kailangang himay-himayin at talakayin. Una ay ang salitang pagbasa. Gaya ng alam natin, hindi literal ang ibig pakahulugan sa salitang ito. Hindi ito simpleng “pagpasada o pagtunghay at pag-unawa sa mga nakasulat sa teksto,” bagkus inaanalisa at sinusuri nitong mabuti ang isang akda, gamit ang iba’t ibang makaluma at makabagong mga lapit, dulog o teorya. Pangalawa ay ang salitang malay na maaaring itumbas sa pagiging “mulat” o bukas ang mga mata. Kung saan, sa pamamagitan nito, mas nakikita at nagiging sensitibo ang mambabasa sa ilang mga detalye sa loob ng teksto. Sa partikular, napupuna at napagtutuunan ng pansin ang mga bagay-bagay na dati’y naisasantabi, mas nagiging kritikal, matanong at mapag-usisa. Sa madaling salita, hindi basta-bastang tinatanggap na “natural” at “unibersal” ang iba’t iba at samut-saring dibisyon at hirarkiya na nagaganap sa lipunan, — sa pagitan ng lalaki at babae, mayaman at mahirap, Unang at Ikatlong Daigdig (at iba pa) — bagkus isang pumapalag na mambabasa na naghihimay-himay sa mga konseptong nakapaloob sa teksto.
Sa partikular, babasahin ang akda ni Paterno batay sa karanasan at posisyon ko sa lipunang aking ginagalawan na nakaaapekto sa paraan ng aking pagsusuri at pagbibigay-kahulugan ng mga tekstong aking binabasa. Ito rin ang dahilan kung bakit ikinakabit ang pariralang Filipinang Feminista sa paraan ng pagbabasa. Gaya ng nabanggit na, iba-iba ang feminismo. Hindi ito iisa o homogenous na grupo, kung kaya, ang konseptong Filipina sa paraan ng pagbasa ang magbibigay rito ng pekularidad. Binubukas rin nito ang isa sa marami pang posisyon at karanasan ng feminismo — ako bilang isang babaeng feminista na mula sa Ikatlong Daigdig at may ideyolohiyang maka-Ikatlong Daigdig. Importanteng banggitin ang ganitong katauhan ng babasa dahil hindi naman awtomatikong mapagpalaya ang kaisipan ng isang babaeng mula lamang sa Ikatlong Daigdig.
Magiging tuntungan ng pagbasang ito ang iskemang istrakturalista / post-istrakturalista na madalas gamitin ng mga naunang feminista sa pagsusuri ng anumang teksto.
Ayon kay Robert Scholes, isang istrakturalista, “lahat ng makabuluhang salita at aksyon ay mga signs na maaaring basahin at bigyan pa ng ibang interpretasyon ng mambabasa batay na rin sa istabilidad ng signifier (aking salin).” Dagdag pa niya na ang kahulugang ibinibigay ng mambabasa sa mga signs ay “binabatay (din) naman sa kultural at institusyunal na koda (aking salin).” Ibig sabihin, kung lalangkapan pa ang pagbasang ito ng feministang dulog, nangangailangang pag-aralan at maging sensitibo ang mambabasa sa mga koda na may kaugnayan sa babae-lalaki, pagkababae-pagkalalaki ng lipunan.
Sa kabilang banda, mas pinalawig pa ni Jacques Derrida, isang post-istrakturalista, ang mga naunang pag-aaral ng mga istrakturalista ukol sa wika at panitikan. Hinihikayat niya ang bawat mambabasa na interogahin o usisain ang teksto at ilantad ang mga nakatago nitong kahulugan (deconstruction). Ayon pa kay Pierre Macherey, hinihingi na maging sensitibo ang mambabasa sa mga hindi binabanggit at sinasabi, sa mga puwang sa loob nito, dahil maraming sinasabi ang katahimikan. Nangangahulugan na, hinihingi na ilagay sa sentro ng diskusyon ang mga dating nasa gilid at tabi-tabi lamang. Dahil dito, walang iisang kahulugan na malilikha ang isang teksto at walang sinuman ang maaring pagmulan ng tamang kahulugan nito. Dagdag pa, binibigyan-kapangyarihan at kalayaan rin ang bawat mambabasa na magbigay ng kahulugan, na nakadepende sa perspektibong kanilang pinanggagalingan.
Gagamitin din ang diskurso ng mga feministang Prances kagaya nina Helene Cixous, Luce Irigaray at Julia Kriteva; lahat ay tumatalakay sa politika ng katawan. Sinasabi nilang ang katawan ay hindi isang nyutral na espasyo; maaari itong maging lygar ng kontrol o opresyon, partikular ang katawan ng babae batay pa sa mga naunang mga diskurso, subalit maaari rin itong maging lugar upang tunggaliin ang gahum na kumokontrol rito. Dagdag pa rito, magiging tuntungan rin ang ilang mga naunang pag-aaral sa Pilipinas na bumabasag sa nakaugaliang paraan ng pagsusuri ng isang teksto, katulad ng librong “Gentle Subverions” ni Cristina Pantoja-Hidalgo. Isa pa ay ang ginawang “muling pagbasa” kay Doña Consolacion ni Albina Pecson-Fernandez sa kanyang disertasyon, na malayo na sa naunang ideya ng awtor.
Sa gitna ng gahum ng patriyarkal na simbahang Katoliko, ilalantad ang samut-saring Tanda ng Santa Cruz sa kasuotan ng mga Filipina; kaugnay rin nito, hahanapin at titingnan ang mga tahasan at di-tahasang subersyon at / o pagpalag ng mga babaeng tauhan sa itinuturo / bilin ng Ama (isama pa rito ang sa bana, kuya, tito at lolo). Mga subersyon na palatandaan ng hindi buong-buong pagsunod at pagyakap sa mga utos at bilin sa simbahan. Sa kabilang banda, dahil na rin sa mga ilustradong babae lamang ang karamihan at inilalarawan sa nobela, resulta na rin marahil ng buhay-illustradong kinamulatan ng manunulat nito, hindi mabibigyang pansin ang buhay ng mga nasa hanay ng uring paggawa. Magkagayon man, maituturing na isang kontribusyon ang pag-aaral na ito na naglalayong sumuri gamit ang feministang mata sa akda ng isang lalaking manunulat. Dagdag pa rito, sinisikap nitong bigyang pokus hindi lamang ang tahasan bagkus maging ang mga di-tahasang subersyon ng iba’t ibang babaeng tauhan at umalis sa nakagawiang pagbasa na umiikot lamang sa dikotomiya ng virgin-vamp na diskurso.
Sa kabuuan, gagamitin ang mata ng isang malay na Filipinang Feminista bilang pangunahing diskurso sa pagbasa sa nobelang “Ninay” ni Pedro Paterno, na nakaangkla sa posisyon at karanasan ko bilang tagapagbigay ng kahulugan at nagbabasa ng teksto. Isa itong pagbasa na pumupuna at nagbibigay-tuon sa mga bagay na madalas ay naisasantabi. Isang paraan ng pagbasa na hinihikayat ang pagtatanong at pagiging mausisa sa iba’t iba at samut-saring dibisyon at hirarkiya na nagaganap sa lipunan. Sa partikular, hinihimay-himay at inilalagay ng pagbasang ito sa sentro ng diskurso ang iba’t ibang mukha ng mga babaeng tauhan. Ilalahad din hindi lamang ang kanilang mga tahasan pakikipagtunggali sa “Batas ng Ama” bagkus, maging ang kanilang mga di-tahasang subersyon na bahagi ng maliliit na hakbang upang kuwestiyon at baliin ang ipinag-uutos at kumbensyon na itinatakda ng patriyarkal na lipunang Pilipino na hahamon sa patriyarkal at kolonyal na kaayusan.
Ang Pagbibigay-Tanda sa Santa Cruz: Sa Ngalan ng mga Turo ng Ama, ng Anak at ng Espiritu Santo
Kasunod ng sistemang reduccion na ipinatupad ng Kolonyalistang Espanyol sa bansa, ang pagigiit din ng pagkontrol sa katawan ng bawat Filipino, partikular ng kababaihan. Sa pamamagitan ng patriyarkal na simbahan na naging pangunahing instrumento sa pagsakop, itinuro nito ang samut-saring dapat at di-dapat gawin ng mga Filipina, mula sa kanilang kasuotan, kilos at gawi; sa tulong ng bagong relihiyon, layunin diumano nitong tulungan ang “mga nawawalang mga tupa” patungo sa katuwiran at tama.
Sa loob ng mga parokyal na paaralan at pormal na edukasyong kapwa kontrolado ng mga simbahan, itinuturo ang katesismo at mga ang manual de urbanidad na ibinatay sa konsepto ng sibilisasyon ng Pamahalaang Kastila na magiging tulay upang unti-unting pumasok sa kamalayan ng bawat bagong binyagan. Sa proseso ng pagbabago sa sistema ng pamamahala sa bansa, nagbago na rin sa ang panlabas na mukha at bihis ng mga Filipino.
Ilan sa mga paraan upang kontrolin ang katawan ng kababaihan ang mga librong katulad ng “Doctrina Cristiana,” mga sermons, at maging ng librong katulad ng “Urbana at Felisa” (1864) ni P. Modesto De Castro. Sa mga babasahin, imahen ng Birheng Maria, nakabelo at balot ang katawan, at iniuugnay sa pagiging kimi at matiisin, ang naging mukha at huwaran ng bawat binyagang Filipina.
Sa nobelang “Urbana at Felisa” (UF) halimbawa, sa pamamagitan ng naratibo nitong pagpapalitan ng liham ng dalawang magkapatid na babae, malinaw na inihahayag na kinakailangang manamit ng disente at mayumi ng mga babae ng disente; kailangan nilang iwasan ang magagarbo at mapanuksong kasuotan. Ang mga damit na may maluluwag na neckline, o di kaya’y maiiksi at maninipis (yaong walang mga panloob) ay hindi dapat isuot. Ayon pa sa UF:
“Ang maluwang na bilog, ang mamaro nang maikli, ang babaeng
di marunong mang-ingat ng kanyang kilos ay parang itinatanyag ang katawan
sa mata ng tao.”
Sa katunayan, ipinapayo na maging sa loob ng mga pribadong espasyo o kahit nag-iisa sa loob ng mismong silid, kailangan nilang (mga babae) magtakip at magbihis nang naaayon. Sinasabing kailangan itong gawin bilang pag-iingat kung saka-sakaling may ibang taong biglang napadaan. Kahit pa naliligo (sa ilog nang mag-isa) kailangan pa rin niyang maging balot.
Kaugnay ng paraan ng pananamit, hindi rin maiiwasan ang pagpayo sa angkop na kilos at galaw. Itinuturo ang paglalakad nang diretso na ang mata’y nasa harap ng nilalakaran at hindi palinga-linga, ang pangangailangan ng tuwid na katawan sa pagtayo at hindi payuko-yuko, paliyad-liyad o ang paggalaw-galaw ng paa na animo’y manok na kumakahig ng lupa.
Sinasabing ang mga turong ito na may kaugnayan sa panlabas na anyos, kilos at gawi ay para rin o may kaugnayan sa pagiging banal o malinis ng kaluluwa. Kung saan ang “ang kahusayan at kalinisan ng asal ay salamin ng kalinisan ng kaluluwa.” Kung kaya naman, samut-saring mga batas, utos at turo ukol sa katawan ng binyagan upang protektahan ang kaluluwa at nang ito’y hindi magkasala. Nariyan ang mga wastong gamit ng mga mata, tainga, bibig (at iba pa) upang hindi magkasala. Halimbawa, para sa mata, hindi dapat tumingin sa mga bagay na madumi, malaswa at makasalanan, hindi dapat tumitig o kumindat o kahit tumingin kung hindi naman kinakailangan. Para naman sa tainga, hindi dapat makinig ng mga kasinungalingan, ng mga tsismis at maging ang pakikinig (kahit pa hindi intensyon) ng anumang masamang salita. Ganoon din ang bibig, kailangan nitong mag-ingat sa walang kapararakang pagsasalita, sa pagtsitsismisan o sa hindi kaaya-ayang pagtawa. Ipinagbabawal din ang pagkain ng karne o pagiging matakaw tuwing araw ng Biyernes. Kailangan ding maging maingat sa pag-iisip; hindi tamang malunod sa pananaginip nang gising at sa pagliliwaliw ng isipan. Kung kaya naman upang mapaglabanan ang mga ito, kailangang magdasal at gawing abala ang sarili nang hindi magkasala.
Idagdag pa rito ang pagbibigay-diin ng UF sa pag-iwas sa tukso at posibleng ‘panganib’ ng mga babae. Hindi sila dapat lumalabas ng kanilang bahay na walang kasama, hindi sila dapat makipagkita sa kanilang manililigaw nang mag-isa lamang:
“Cun ang isang dalaga ay naquiquipag-usap nang lihim sa bagumtauo.. ay di dapat ipahintulot na ang anac na dalaga ay gumamit nang badeja, lalo,t, cun di nahaharap ang ama o ina, mga panganga sa baguntauo, sapagca,t, cun ualang iningat na mahal na asal ay capilitang bubuhatin ang camay o paa, iguihuilos nang masama lalo,t, cun na sa dilim.
Hindi man paghamacan nang gayon, bibig naman ang gagamitin nang sabi: ipahahayag ang na sa loob, na ang caraniuan ay hindi magaling.” (de Castro, p. 125)
Isama pa sa listahan ang pagbabawal sa pagdungaw sa bintana nang matagal na halos ibinabalandra ang sarili sa publiko:
“Huwag tulutang mamintanang palagi, sapagkat ang dalagang namimintana,
ay kaparis nang isang buwig ng ubas, na bibitin-bitin sa sanga sa tabi ng daan na
nag-aanyayang papitas sa sinumang makaibig.”
Sinasabi ng mga turong ganito na hindi sapat na birhen ang isang babae, bagkus kailangan niyang magmukha parang dalisay sa mata ng iba.
Paulit-ulit na binibigyang diin mismo sa mga sermones na isinulat nina Fray Juan de Oliver Francisco at Blancas de San Jose OP ang turo ng simbahan sa kahalagahan ng pagiging dalisay, ng pagiging birhen. Upang kumbinsihin ang kahalagan nito, ikinumpara ito ni Oliver sa iba’t ibang kalidad ng ginto; ang pinakadalisay bilang metapora ng pagiging birhen. Ginamit ng prayle ang metapora dahil tiyak na makikilatis ito ng mga sinaunang Tagalog dahil sa pagbibigay-halaga ng mga ito sa ginto. Dagdag pa rito, ikinumpara naman ni Fray Blancas de San Jose ang pagiging hindi birhen sa putik, sa dumi. Sa pamamagitan nito, hindi lamang naibabahagi nang tuwiran ang turo ni San Pablo (Rom 1:24-27) bagkus, sa pamamagitan ng paggamit rito bilang metapora, posibleng maiugnay ang putik sa karansan ng mga baging binyagan tuwing nagdaraan sila sa kanilang mga taniman at palayan.
Sa kabuuan, hindi maitatanggi na ang mga turo ng Simbahan ang naging pundasyon ng mga komunidad ng mga bagong binyagan sa ilalim ng kontrol ng patriyarkal at kolonyal na order.
NINAY: Isang Muling Pagbasa
Lumilikha ng marka ang nobelang “Ninay: Costumbres Filipinas” sa kasaysayan ng Pilipinas dahil sa pagiging pinakaunang nobelang isinulat ng isang Filipino. Maituturing ito bilang isa sa mga ambag ni Pedro A. Paterno (1857-1911), isang ilustradong nakapag-aral sa Universidad de Salamanca at Universidad Central de Madrid, sa Kilusang Propaganda sa Espanya. Isinulat ito sa Wikang Espanyol at unang inilimbag noong 1885 sa Espanya.
Sinasabi ng mga iskolar na isa sa pangunahing layunin ng akda ay ipamukha sa mga konquistador ang mayamang kalinangan ng Pilipinas. Bagamat hindi nakalikha ng kasinlaking ingay kumpara sa “Noli Me Tangere” ni Jose Rizal, makakukuha, gamit ang sosyolohikal na dulog, ng mayamang panlipunang mga kaugalian, ritwal, tradisyon at mga gawi ng mga Filipino noong siglong iyon.
Sa unang tingin mistulang sala-salabat na kuwento ng sawing pag-iibigan ang “Ninay.” Nariyan halimbawa ang nausiyaming pag-iibigan ng mga pangunahing tauhan na sina Ninay at Carlos dahil sa bulag na pag-ibig ni Federico Silveyro kay Ninay at ni Pilar kay Carlos. Idagdag pa ang hindi rin naging masayang katapusan ng pagsasama ng nagtanang magsing-irog na sina Berto at Loleng dahil kay Don Juan, ama ni Federico. Nariyan din ang makaisang panig lamang na pagmamahal ni Tik kay Carlos at madami pang iba. Subalit, gaya nga ng nabanggit na, kailangang basahin na higit sa formalismo at romantikong tradisyon ang nobela, o maging sa sosyolohikal na dulog. Maaring basahin ito gamit ang feministang lente; isang lente na lumalabas sa nakagawiang feministang pagbasa na lulong sa pagpapatingkad sa mga magkatunggaling imahen ng babae: ang virgin-vamp na dikotomiya. Gagawin ito upang makita ang iba’t ibang Tanda ng Santa Cruz at ang di-tuwiran at personal na mga subersyon ng mga babaeng tauhan ng nobela; mga hindi maisasantabing maliliit na hakbang ng pagsuway.
Sa unang tingin, batay na rin sa pananamit, kilos at galaw ng mga babaeng tauhan, batay na rin sa pagkakalarawan ng misonohistang mata ng tagapagsalaysay, animo’y buong-buong niyayakap ng mga babaeng tauhan ang mahigit 200 taong turo ng Simbahan. Halimbawa na lamang ay ang pagpapakilala sa pangunahing tauhang si Ninay. Sa simula pa lamang ng papel na ito, ipinakilala si Ninay bilang isang babaeng nakabihis ayon sa ipinag-uutos ng simbahan: balot ang buong katawan, hindi sumisilip ang anumang balat sa ipinagpatung-patong na mga damit. Bukod pa rito, inilarawan siya bilang palasimba, mayumi, at hindi nahihilig sa mga sayaw. Subalit ang babaeng ehemplo ng pagsunod at pag-Amen ay pumapalag sa turo ng simbahan.
Unang-una, isang malaking kabalintunaan ang magarbong kasuotan ni Ninay na tumatawag ng pansin sa kalalakihan. Isang kasuotan na kung babalikan ang turo ng simbahan ay isang kasalanan. Kasalanan, hindi lamang dahil sa ipinagbabawal ng Simbahan ang luho at garbo ng pananamit bagkus dahil kumukuha siya ng atensyon. Pinaaalalahanan mismo sa “Lagda,”ang kababaihan na manumit nang angkop at na huwag mahumaling sa mga materyal na bagay. Binigyang-diin pa ito sa mga akda ni Antonio Claret sa pagsasabing dapat maging huwaran ang Birheng Maria, na sa kanyang buhay ay nagmamay-ari lamang ng dalawang simpleng tunic, na bumabalot sa kanya mula ulo hanggang paa, at belo.
Kung babalikan rin ang paglalarawan ng patriyarkal na mata, ang tagapagsalaysay, sa kasuotan ni Ninay, “… nacatapis ng Macabebeng manipis, na lalong nagpadilag sa kanyang bay-uang na tumatawag ng pag-ibig… (aking diin),” kapansin-pansin ang tono ng pagkaakit kahit pa balot na balot si Ninay. Kung maaalala rin, itinuturo ng Simbahan ang angkop na pananamit, lalong higit sa kababaihan, upang makaiwas din sa pagkakasala ang iba. Binibigyang diin mismo ng ika-siyam na Utos ng Diyos na “ang sinumang tumingin sa babae na may malisya at laswa ay nagkakasala (aking salin).” Kung kaya, ang kakanyahan ni Ninay na akitin (kahit di sinasadya), sa tulong pa ng kanyang kasuotan, ang patriyarkal na mata, ang gayuma at / o kapangyarihan niyang magdulot ng pansamantalang pagtalikod ng iba sa turo ng Simbahan.
Kung tutuusin, sa likod ng kanyang pagiging ‘ideyal’ sa harap ng madaming tao, sa kanyang mga pribado at personal na espasyo ay tinatalikuran (kahit pansamantala) ang mga bilin ng Simbahan at ang imahen ng kahinhinan at kayumihan. Nariyan halimbawa ang kanyang pag-iisip na naging mabuti ang kapahamakang muntik nang idulot ng dahong palay dahil naging daan ito (ayon na rin sa kanya) upang ibukas ng kanyang mga magulang ang kanilang bahay kay Carlos (Paterno, p.29-30); nangangahulugan kasi ito na mas magiging madalas ang kanilang pag-uusap. Ayon rin mismo sa kanya, minsan na niyang minamalas ang mukhang matamis at maganda ng lalaking iyon (si Carlos) (Paterno, p. 41). Idagdag pa ang mga panahon at sitwasyon na pinapayagan niyang mapag-isa sila ni Carlos sa halaman. Minsan pa nga, habang nakaupo sa lilim ng mangga, doon sila “nag-uulayaw… at nagtititigan.” Dagdag pa rito, hinayaan niyang idampi ni Carlos ang labi nito sa kanyang noo, at bagaman inilarawan bilang “mistulang nahihiya,” hinayaan niyang “tumakbo sa kaniyang mga ugat ang isang di mawaring damdamin…. Ang apoy ng pag-ibig na nagpapalablab” hanggang sa “nakikita sa kanyang mukha ang dugong walang pagkasiyahan” (Paterno, p. 51-52).
Makikita sa mga eksenang ito ang hindi iisang beses ng pagkalimot ni Ninay sa mga bilin ng Simbahan. Turo ng simbahan ang malinis na isip, at ang pag-iwas sa mga sitwasyon na mapanukso na magdudulot ng ‘kapahamakan.’ Unang-una ay ang ‘wastong gamit’ ng mga mata. Sinasabing kung kailangang hindi tumingin, huwag tumingin. Bilin din mismo ni Padre Modesto de Castro sa “Urbana at Felisa” na huwag makikipagkita ang babae sa lalaki kung wala ang kanyang mga magulang dahil sa inilalagay niya ang kanyang sarili sa isang sitwasyon na ikapapamak niya. Dagdag pa rito, sinasabi pa ni Claret, na sinipi niya kay San Alfonso de Ligorio, isang malaking kasalanan para sa lalaki at babae na mag-usap lalo na sa madidilim na lugar; kahit pa ikakasal na, hindi mabubura nito ang kasalanang kanilang gagawin. Kung kaya naman ang pakikipagkita ni Ninay kay Carlos sa lilim ng mangga, ang pakikipagtitigan niya rito,maging ang pagpayag niya sa pagdampi ng mga labi ni Carlos sa kanyang noo na humantong sa kanyang mga ‘maiinit na nararamdaman’ ay isang mortal na kasalanan para sa mata ng Simbahan. Kung tutuusin, bilin pa ng simbahan na “cun sacaling pangahasan ca nang malicot nilang camay, cun sa iyong sarili, i, di ca nagbigay ng dahilan, at uala cang daan sa pagtatanggol, ay mangyayaring pagbuhatan mo sila nang camay na di mo ipagcacasala, bagcus ipagcacapuri mo pa sa harap nang Dios at nang calahatang tauo (Claret, p. 16).” Subalit makikita nating pinili ni Ninay na makipagtagpo nang mag-isa, hindi sinampal ang kasintahan at sa katunayan ay hindi pa nagdalawang-isip o pumalag nang hilahin ni Carlos sa may gawing yungib; sa katunayan si Carlos pa mismo ang nagdalawang isip at umiwas pagkakita sa imahen ng Birhen Maria (Paterno, p. 52).
Dagdag pa rito, nagawa rin niyang dumungaw sa bintana ng kanyang silid na naging dahilan upang masaksihan ang away-lalaki at ang pagkamatay ni Federico sa kamay ni Berto (Paterno, p.78). Ang pagdungaw na kanyang ginawa, na hindi sinasang-ayunan dahil sa kinokonsidera itong pag-display sa publiko, ay nakapagdulot pa nga kay Ninay ng bagong karanasan at kaalaman: ang impormasyon na patay na si Federico.
Sa kabilang banda, hindi rin matatawaran ang isa pang porma ng subersyon ni Ninay; ang dalagang relihiyosa at palasimba ay nagbigay ng singsing, isang anting-anting na ipinamana sa kanya ng kanyang angkan, sa kanyang sinisintang si Carlos bilang patunay ng pag-ibig (Paterno, p. 51-52). Kapansin-pansin na bagaman matutukoy na matagal nang itinatago ni Ninay ang singsing at matagal na rin niyang alam na may natatangi itong kapangyarihing supernatural, itinatago pa rin niya ito. Sa pamamagitan nito, sinusundan niya ang tradisyon ng matandang pananampalataya ng mga babaylan na nagbibigay ng pananggalang sa mga tao. Ang pagbibigay niya nito sa kanyang kasintahan na mahihiwalay sa kanya at ang mismong pagbanggit na anting-anting ito, ay tanda na naniniwala siya sa bisa nito na ililigtas ang kasintahan sa anumang kapahamakan.
Sa kabuuan, ang kapangyarihan ni Ninay ay ang kakanyahan niyang magbalat-kayo o pagkakaroon ng dalawang-buhay (double life); imahen siya ng yumi at ganda sa harap ng maraming tao na nagdudulot sa kanya ng kapangyarihan upang makapamuhay ng ‘normal,’ walang pandarahas at mga taguri (labels), subalit sa likod ng imaheng ito ay isang Ninay na kumakawala at pumapalag sa turo ng Simbahan.
Hindi rin matatawaran ang iba pang mga subersyon ng mga babaeng tauhan sa nobela katulad nina Pilar, Loleng at Margarita Buisan.
Maituturing naman ang ulilang si Pilar bilang ay isang babaeng maparaan. Ang ibig niya ay ibig niya. Kung kaya naman nang matipuhan ang lalaking si Carlos samut-saring paraan at iskema ang kanyang ginawa para maangkin ang lalaking pinakagusto (Paterno, pp. 35, 57). Inilarawan rin siya bilang babaeng humaling na humaling, “walang sumasakaniyang guniguni kundi ang mahalina sa paggiliw kay Carlos at ang pag-iisip ng paraang ikapaghihiwalay ng 2 nagkakaibigan” (Paterno, pp.38-39). Inggit at mga layaw ng katawan ang kanyang subersyon sa Simbahan na nagtuturong bahagi ang mga ito ng pitong mortal na kasalanan. Turo ng Simbahang maging abala dahil baka manahan rito ang demonyo, subalit makikita natin si Pilar na walang ginagawa, bagkus ay abala lamang sa pag-iisip hindi ng mga ‘makasariling’ mga paraan at maging ng mga imahen ni Carlos.
Sa unang tingin, maaaring basahin ang aksyon niyang ito bilang pakikipag-agawan at / o tunggalian sa kapwa babae (si Ninay) para sa atensyon ng isang lalaki (si Carlos); kung gayon ay mapanghati. Subalit sa dulo ng nobela, ipapakita ang pagbabalik-loob nila ni Ninay sa isa’t isa sa pamamagitan ng kanyang paghingi ng ng patawad rito (Paterno, p. 98-99). Sa pagkakataong ito, mas nanaig ang ‘pagkakapatiran ng kababaihan’ (sisterhood).
Sino rin ang makakakalimot sa tahasang pagsuway ng kaibigan ni NInay na si Loleng sa bilin na sumunod sa imahen ng Birhen? Si Loleng na imahen rin ng masunuring dalaga, palasimba, mapagmahal na anak sa magulang (atbp) ay nagawang magtanan sa kasintahang si Berto (Paterno, p. 31). Sa eksenang ito, tuluyan nang tinalikuran ni Loleng ang sermones ukol sa pagiging ‘dalisay, basal at malinis’ bago pa pumasok sa matrimonyo. Sa katunayan, ang kanilang pagsasama ni Berto ay hindi kailanman binasbasan ng Simbahan, kahit pa ng kanilang mga magulang. Naging saksi lamang ang bawat isa sa kanila, kasama ang mga palayan na kanilang dinaanan at ang kuwebang kanilang tinuluyan sa kanilang pagmamahalaan (Paterno, p. 44).
Kung tutuusin, simbolikal pa ngang maituturing ang yungib na kanilang naging kanlungan. Sa ilalim ng pamamalakad ng mga pyudal na kongkistador sa Pilipinas, bilang bahagi ng pagpapakilala ng bagong relihiyon, ito rin ang naging kanlungan ng mga babaylan at catalonan, ng mga bruha, mangkukulam at mambarang sa diskursong Espanyol, nang sila’y tinaguring kampon ng mga demonyo at pinagsusunog ang kanilang mga anito at lugar-sambahan; Kung kailan ang kagubatan at kweba ay napalitan ng mga (nag)lalaki(hang) mga edipisyo, ang mga simbahan at torre, ang simbolo naman ng phallus.
Panghuli hindi rin makakalimutan si Margarita Buisan, ang tiya ni Ninay at may-ari ng bahay na pinagdausan ng pasiyam. Inilarawan siya bilang isang babaeng: “sinasabing dating nagtitira sa mga bulubundukin ng Mapisong at sinusunod niya ang hatol ng mga Catalonan, at naparoon upang gamutin ang kanyang pamangkin noong may sakit ito” (Paterno, p. 90). Sa pamamagitan niya, muling ibinabalik ang imahen ng babae bilang manggagamot ng kanyang komunidad, katulad ng mga ginagawa ng mga babaylan at catalonan, nang magkasakit ang pinakammahal na pamangkin.
Inilarawan rin siya bilang “naniniwala sa mga dating pamahiin ng bayan, lubos siyang sumasalampalataya sa mga hula ng mga seserdotista, at gayon sa mga pagsamab ng mga anito, bagamat siya’y may mga panatang pacandili sa mahal na Birhen, at naniniwala rin sa kahalagahan ng pagsakop sa Diyos sa sangkatauhan” (Paterno, p. 97). Siya ang nagbigay ng anting-anting kay Ninay bilang pananggalang, at siya rin ang nagpapatuloy ng sinaunang ritwal ukol sa patay nang dinaos ang pasiyam sa kanyang bahay. Maaalala na noong hapuna’y may isang upuan sa mesa na bakante at na ang pinggan sa tapat nito’y may takip na dahon ng balete, ito diumano’y nakalaan para sa namatay, tanda ng pag-alala sa kanya. Nariyan din ang napakamaraming mga bulaklak sa altar, nakalatag na banig na sinabuyan ng abo at ang napakaliwanag na kabahayan. Lahat ng ito’y ritwal para sa pagsalubong sa patay na diumano’y bumibisita sa ikasiyam na araw ng kanyang kamatayan. Mahihinuha sa napakaikling eksenang ito ang malayo na sa hinagap ng madaming kontemporanyong Filipino sa ritwal ng mga babaylan; bagamat hindi maitatangging ang ilan sa mga ito ay ginagawa pa rin sa kasalukuyan. Sa kabuuan, isa si Margarita sa buhay na patunay na hindi lubos na niyakap ng mga binyagang katutubo ang turo ng Kristiyanismo; isang pagbingi-bingihan sa matagal nang iniuutos ng Simbahan na kalimutan ang ‘mala-demonyong’ mga gawain.
Pagtatapos:
Kung susumahin, bagaman hindi maitatanggi ang lawak ng gahum ng patriyarkiya sa kasuotan, kilos, gawi at pamumuhay ng mga Filipina, partikular ng mga kababaihan, noong ikalabinsiyam na siglo, hindi maisasantabi rin ang samut-saring subersyon, tuwiran man o hindi, na ginawa ng mga babae. Nangangahulugan na ang katawan, partikular ng babae, na madalas ituring bilang lulan ng opresyon at ng patriyarkal na kontrol ay maaaring ring maging midyum ng kanyang kalakasan.
Sa pagbasang gamit ang Mata ng Isang Malay na Filipinang Feminista, muling binalikan ang buhay at karanasan ng ilang mga babaeng tauhan sa nobelang “Ninay,” sina Ninay, Pilar, Loleng at Margarita Buisan. Sa pamamagitan nito, binigyang pansin ang kanilang mga pagpalag at pansamantalang pagkalimot sa utos / bilin ng Ama; Dagdag pa rito, tinalakay na ang animo’y pagsunod sa itinuturong angkop na kilos, galaw, pagsimba, pakikitungo sa kapwa (partikular sa kalalakihan), at maging ang angkop na kasuotan, ay hindi sapat na patunay ng lubusang pagsang-ayon at pagyakap sa turo ng Ama. Bagkus maituturing itong iskema upang linlangin ang gahum, magpanggap na sumasang-ayon upang makapamuhay ng walang pandarahas, subalit sa mga pribado at personal na espasyo ay gumagawa ng kabaliktaran ayon sa inaasahan.
Pinahahalagahan ng pagbasang ito ang mga nasa personal na lebel na pagkilos at pagpalag ng mga babaeng tauhan, na bagaman itinuturing na maliliit na hakbang lamang (para sa iba) ay hindi makaiilang maaaring pagmulan ng mga daluyong na tutulong sa pagtalikod (pansamantala o tuluyan) sa sistemang patriyarkal. Dagdag pa rito, nagsisikap ang paraan ng pagbasang ito na basahing muli ang mga akda ng mga lalaking manunulat gamit ang feministang lente at makaalpas sa patibong ng virgin-vamp na diskurso.
Sa kabuuan, walang ilusyo ang pananaliksik na ito na bumuo ng isang pambansang kritisismo ukol sa kasarian (dahil sa binubuo pa lamang ito). Magkagayon man, maaaring makaambag ang pag-aaral na ito sa diskurso ukol sa pulitika ng katawan, sa pagpapaunlad at pagpapatalas sa kritisismo at intelektwalissasyon ng usaping ito.
SANGGUNIAN:
________________. Doctrina Cristiana 1991 ed. Manila: National Historical Institute, 1991.
Almario, Virgilio etal. UP Diksyunaryong Filipino. Quezon City: UP Press, 2001.
Arriola, Fe Maria, ed. The Body Book. Quezon City: GCF Books, 1993.
Bowring, Sir John. A Visit to the Philippine Islands. Maynila: Filipiniana Book Guild, Inc., 1963.
Camagay, Ma. Luisa. Working Women of the 19th Century. QC: UP Press, 1995.
Cruz, Eric. The Terno: Its Development and Identity as the Filipino Women’s National
Costume. Quezon City: UP CHE, 1981.
Cruz, Jose M. ed. Pulong: Sources for Philippine Studies: Declaracion de la Doctrina
Christiana en Idioma Tagalog. Quezon City: Ateneo de Manila University Press,
1995.
Datuin, Flaudette May. Home Body Memory. Quezon City: UP Press, 2002.
De Castro, Modesto. Pagsusulatan ng Dalauang Binibini na si Urbana at Felisa, inedit
ni Romulo Baquiran Jr. Quezon City: UP Sentro ng Wikang Filipino, 1996.
De Guzman-Odine ed. Body Politics: Essays on Cultural Representations of Women’s
Bodies. Quezon City: UP CWS. 2002.
Demetrio, Francisco etal. The Soul Book. Quezon City: GCF Books, 1991.
Eagleton, Terry. Marxism and Literary Criticism. California: University of California Press, 1976.
Estrada-Claudio, Sylvia. Rape, Love and Sexuality: The Construction of Women in
Discourse. Quezon City: UP Press, 2002.
Francisco, Jose Mario C. SJ ed. Sermones: Francisco BLancas de San Jose OP. Quezon City:
ADMU Press, 1994.
Garcellano, Edel. Knife’s Edge. Quezon City: UP Press, 1991.
Kintanar, Thelma ed. Women Reading. Quezon City: UP Press, 1992.
Lodge, David. Modern Criticism and Theory: A Reader. New York: Longman, 1988.
Mendez - Ventura, Sylvia. Feminist Readings of Philippine Fiction: Critique and
Anthology. Quezon City: UP Press, 1994.
Mojares, Resil. Waiting for Mariang Makiling. Quezon City: ADMU Press. 2002.
Paterno , Pedro. Ninay: Costumbres Filipinas. Inedit ni Soledad Reyes. Maynila: De La
Salle University Press, 1995.
Patoja-Hidalgo, Cristina. Gentle Subversion. Quezon City: UP Press, 1998.
Ramos, Barge. Pinoy Dressing: Weaving Culture into Fashion. Pasig: Anvil, 2007.
Robbins, Ruth. Literary Feminisms. London: Macmillan, 2000.
Santiago, Lilia Quindoza. Sa Ngalan ng Ina: 100 Taon ng Tulang Feminista sa Pilipinas. Quezon
City: UP Press, 1997.
Santiago, Lilia Quindoza. Sexuality and the Filipina. Quezon City: UP Press, 2007.
Scholes, Robert. Textual Power. London: Yale University Press, 1984.
Maaaring tingnan ang mga ilustrasyon sa Eric Cruz, The Terno: Its Development and Identity as the Filipino Women’s National Costume (Makati: UP CHE, 1981). Ito rin ang mga imaheng inilalarawan sa Sir John Bowring, A Visit to the Philippine Islands (Manila: Filipiniana Book Guild, Inc., 1963), pp. 96-97.
Binanggit sa Resil Mojares, “Cathechism of the Body,” nasa Waiting for Mariang Makiling (QC: ADMU Press, 2002). Maari ring basahin angP. Modesto de Castro, Pagsusulatan ng Dalauang Binibini na si Urbana at Felisa, inedit ni Romulo Baquiran Jr., (Quezon City: UP Sentro ng Wikang Filipino, 1996), p.65.
Maaaring basahin ang Fray Juan de Oliver, Declaracion de la Doctrina Cristiana en Idioma Tagala (QC: ADMU Press, 1995).
Maaaring basahin ang Francisco Blancas de San Jose OP., Sermones (QC: ADMU Press, 1994).